MALAMIG na rehas at hindi pera ang hinihimas ngayon ng isang 29-anyos na suspek matapos dakpin dahil sa pag-iingat at pagbebenta ng mga sigarilyong pinaniniwalaang ilegal na ipinuslit sa Zamboanga del Sur mula sa bansang Indonesia.
Sa pagtataya ng Bureau of Customs (BOC), aabot sa P1.1 milyon ang halaga ng 34 na kahon ng smuggled na sigarilyong nakumpiska ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa isang buy-bust operation sa bayan ng Labangan sa naturang lalawigan.
Kinilala naman ang isa sa dalawang suspek sa pangalang Adsar Modapil Buhari, 29-anyos, habang patuloy naman ang pagtugis sa isa pang suspek na si Mohammed Yasser Ismael Nakan. Nakatakas si Nakan sa gitna ng operasyong bunga ng timbre mula sa mga residente ng naturang lokalidad.
Sa imbestigasyon ng pulisya, huli sa aktong ikinakarga sa isang sasakyan ng mga suspek ang 34 kahon ng sigarilyong tatak San Marino mula sa bansang Indonesia.
Agad namang inilipat sa pag-iingat ng BOC-Port of Cebu ang mga kumpiskadong kontrabando para sa karampatang pagsasampa ng kaso sa piskalya.
