100 PASAY SENIOR CITIZENS MAGTATRABAHO BILANG AIRPORT USHERS

airport55

(NI LYSSA VILLAROMAN)

NASA 100 Pasay City senior citizens ang na-hire bilang ‘temporary airport ushers’ sa pamamagitan ng isang kasunduan ng  local government unit, Manila International Airport Authority (MIAA), Ang Probinsyano Partylist at Department of Labor and Employment (DoLE).

Ayon kay Mayor Emi-Calixto-Rubiano, ang senior citizensay magtatrabaho sa airport ng tatlong oras sa umaga at tatlong oras din sa hapon sa loob ng 15 araw kung saan ay igigiya nila ang mga pasahero sa kani-kanilang upuan at sa mga opisina na kailangan nilang puntahan. Itinuturing ang mga ito na hindi mabigat na gawain para sa seniors.

Ayon pa kay Rubiano, ang mga senior citizens na may edad na 60 hangang early 70’s na napili base sa kanilang kalusugan at kakayanan pang magtrabaho ay tatanggap  bawat isa sa kanila ng sahod na katumbas ng P537 kada araw.

Ayon pa kay Mayor Rubiano, “Sa pamamagitan ng programang ito ay mabibigyan natin ng pagkakataon ang ating mga senior citizens na ma-maximize pa rin ang kanilang productivity, makihalubilo muli sa isang work environment, kasama ang ibang tao at makapag-provide pa rin sa kani-kanilang pamilya sa pamamagitan ng tatanggapin nilang sweldo sa programang ito.”

“Ito rin ay isang paraan ng nararapat na pagkilala at pagpapahalaga sa kanila bilang mga produktibong miyembro pa rin ng lipunan sa kabila ng kanilang edad na 60’s, 70’s o higit pa,” dagdag pahayag pa ng alkalde.

Noong kanyang termino bilang congresswoman ng Pasay ay pangunahing iniakda niya na ngayon ay Republic Act 10911, o “Anti-age Discrimination In Employment Act” na nagbigay ng pagkakataon sa mga senior citizen sa buong bansa na muling makapagtrabaho.

Ayon naman kay Normita Castillo, presidente ng Pasay City Office of Senior Citizens Affairs (OSCA) ang lungsod ay mayroong mahigit 37,000 senior citizens kung saan halos 35,000 sa mga ito ay nakarehistro sa OSCA, sa pamamagitan ng kani-kanilang mga asosasyon sa barangay.

Dagdag pa ni Castillo, ang lungsod ng Pasay ay may mga programa para sa senior citizens tulad ng free monthly maintenance medicines, financial benefits na pension at birthday cash gifts, at iba’t-iba pang benepisyo.

Ang naturang “senior citizens’ temporary employment project” sa airport ay isang inisyatibo mula sa pakikipagtulungan sa tanggapan ni Rep. Ronnie Ong, ng Ang Probinsyano partylist.

Ang kasunduan ay nilagdaan noong Miyerkoles nina Mayor Rubiano, DoLE Secretary Silvestre Bello III, Ang Probinsyano Partylist Rep. Ronnie Ong at MIAA General Manager Eddie Monreal sa seremonyas na ginanap sa MIAA office.

419

Related posts

Leave a Comment