ARESTADO na ang live-in partner ng babaeng natagpuang patay sa loob ng refrigerator sa inuupahan nilang apartment sa Rodriguez, Rizal, noong Setyembre 16.
Ayon kay Philippine National Police Public Information Office Chief Police Colonel Allen Rae Co, naaresto ang 27-anyos na suspek sa Cubao, Quezon City, matapos ang halos isang buwang pagtatago. Dinakip siya sa bisa ng warrant of arrest kaugnay ng kasong serious illegal detention.
Sinabi ni Co na isasampa rin ang kasong murder laban sa suspek, na dati nang itinuturing na person of interest sa kaso.
Batay sa impormasyong nakalap ng mga awtoridad, kabilang ang mga kuha sa closed-circuit television o CCTV, natukoy ang mga galaw ng suspek bago at matapos ang krimen.
Patuloy namang sinusuri ng mga awtoridad ang mga DNA sample na nakuha sa crime scene upang makatulong sa pagbuo ng ebidensiya laban sa suspek.
Nauna nang sinisiyasat ng pulisya ang posibilidad na may kaugnayan sa pera ang krimen matapos sabihin ng ama ng biktima na may malaking halaga ng pera na hindi na natagpuan.
(TOTO NABAJA)
84 