URDANETA MAYOR PARAYNO, BISE ALKALDE AT 6 NA KONSEHAL, SINIBAK NG OMBUDSMAN

SINIBAK sa serbisyo ng Office of the Ombudsman ang alkalde, bise alkalde at anim na konsehal ng Urdaneta City, Pangasinan, kaugnay ng umano’y hindi pagsunod sa 12-buwang suspensiyong ipinataw ng Office of the President (OP).

Kabilang sa mga pinatawan ng parusa sina Mayor Julio Fernandez Parayno III, Vice Mayor Jimmy Dereje Parayno at anim na konsehal ng lungsod.

Ayon sa ulat, nag-ugat ang desisyon sa pinagsamang mga reklamong administratibo kaugnay ng umano’y pagtanggi ng mga opisyal na sumunod sa kautusan ng OP na nagpatupad ng 12-buwang suspensiyon laban sa kanila dahil sa kasong grave misconduct at grave abuse of authority.

Noong Enero 7, 2025, nagtungo ang mga tauhan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) upang ihatid ang kautusan ng suspensiyon at ang abiso sa pagpapatupad nito.

Gayunman, iniulat na tumanggi ang mga kawani na tanggapin ang mga dokumento. Natagpuan din umanong nakakandado at nakakadena ang tanggapan ng bise alkalde.

Dahil dito, iniwan ng mga tauhan ng DILG ang mga kopya ng kautusan sa mga pintuan ng mga tanggapan.

Sa kabila ng suspensiyon, patuloy umanong ginampanan ng alkalde at bise alkalde ang kanilang mga opisyal na tungkulin, kabilang ang pag-isyu ng mga memorandum, pagpirma ng mga tseke at pagdalo sa mga pampublikong aktibidad.

Iginiit naman ng dalawang opisyal na may depekto ang paraan ng paghahatid ng kautusan at nilabag umano nito ang mga paghihigpit na umiiral sa panahon ng halalan.

(JULIET PACOT)

88

Related posts

Leave a Comment