P2.72M HALAGA NG SHABU, NASAMSAM SA BUY-BUST SA PAMPANGA; 2 ARESTADO

ARESTADO ang dalawang lalaki matapos makumpiska sa kanila ang humigit-kumulang P2.72 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa isang buy-bust operation sa Mabalacat City, Pampanga, nitong Huwebes ng gabi, Oktubre 15, 2026.

Kinilala lamang ang mga suspek sa mga alyas na “Boy” at “Dondon,” kapwa 35-anyos.

Ayon sa Police Regional Office 3 (PRO3), isinagawa ng Station Drug Enforcement Unit ng Mabalacat City Police Station ang operasyon bandang alas-9:45 ng gabi sa Barangay Dau, sa pakikipagtulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Nasamsam sa operasyon ang tinatayang 400 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P2,720,000.

Itinuturing na high-value individual o HVI si alyas “Boy,” na dati nang minamanmanan ng mga awtoridad batay sa nakalap na intelligence information.

Dinala ang mga suspek at ang mga nakumpiskang ebidensiya sa Mabalacat City Police Station para sa karagdagang imbestigasyon at kaukulang proseso.

Inihahanda na rin ng pulisya ang mga kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa dalawa.

Pinuri naman ni PRO3 Director Police Brigadier General Jess B. Mendez ang operating team at binigyang-diin ang kahalagahan ng mga operasyong nakabatay sa maaasahang impormasyon upang mapigilan ang pagkalat ng ilegal na droga.

Ayon kay Mendez, magpapatuloy ang pagtugis sa mga sangkot sa ilegal na droga upang maprotektahan ang mga komunidad, partikular ang mga kabataan.

Binigyang-diin din ng opisyal na hindi dapat magtapos sa pag-aresto ang kampanya laban sa ilegal na droga, kundi dapat ding matukoy ang mga pinagmumulan nito at mapigilan ang pamamahagi sa mga komunidad.

Bahagi ang operasyon ng patuloy na kampanya ng PRO3 laban sa ilegal na droga, alinsunod sa Focused Agenda ni Chief, PNP Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr.

Tiniyak ng PRO3 na magpapatuloy ang mga operasyon sa buong Gitnang Luzon sa pamamagitan ng pangangalap ng impormasyon, koordinasyon sa mga kinauukulang ahensiya at pakikipagtulungan sa publiko.

(ELOISA SILVERIO)

89

Related posts

Leave a Comment