APAT NA SUSPEK SA TWIN BOMBING BAGO ANG SONA NI PBBM, NADAKIP

APAT na kalalakihan ang inaresto ng mga operatiba ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) kaugnay ng dalawang insidente ng pambobomba ilang oras bago ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Hulyo 2026.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Anti-Terrorism Act kaugnay ng naturang mga insidente.

Ayon kay PNP-CIDG Director Police Major General Robert Alexander A. Morico II, nagsagawa ang mga awtoridad ng magkakahiwalay na operasyon sa Metro Manila at ilang lalawigan upang madakip ang mga sangkot.

Kabilang sa mga lugar na pinagsagawaan ng operasyon ang Quezon province at Pampanga, habang nagpapatuloy din ang mga operasyon sa katimugang bahagi ng bansa.

“Two separate search warrant operations were conducted. Not only in Metro Manila, Quezon province and Pampanga, we have an ongoing operation also sa South so there will be no letup,” pahayag ni Morico.

Ayon pa sa opisyal, may iba pang pinaghahanap na indibidwal na umano’y may kaugnayan sa ilang personalidad sa katimugang Pilipinas.

Matatandaang noong Hulyo 27, isang homemade bomb ang sumabog malapit sa pasukan ng compound ng Department of Justice (DOJ).

Samantala, isang hinihinalang improvised explosive device (IED) ang natagpuan malapit sa Senate complex na hindi naman sumabog bago ang paghahatid ng pangulo ng kanyang SONA.

Hinala ng mga awtoridad na layunin ng mga suspek na maghasik ng karahasan at magdulot ng kaguluhan sa publiko.

(JESSE RUIZ)

29

Related posts

Leave a Comment