BOC COM. NEPO, PINALITAN NG TAGA-BIR

RAPIDO ni PATRICK TULFO

MARAMI ang napaisip sa pagpalit ni Pangulong Bongbong Marcos kay outgoing Customs Commissioner Ariel Nepomuceno dahil maganda naman ang naging performance nito habang siya ang nakaupong kalihim ng ahensya.

Nakilala si Commr. Nepo sa pagiging mahigpit at “straight” dahil marami itong ibinunyag na ilegal na nangyari sa bureau.

Kahit na ang matagal nang problema sa mga balikbayan box ay nagkaroon ng maraming resolusyon upang masawata ang mga nag-aabandona ng balikbayan box. Pero kulang pa ang hakbang upang tuluyang matigil ang ginagawa ng mga scammer na freight forwarder.

Naghigpit din ang mga port sa ilalim ni Commr. Nepo, na naging dahilan ng pagkakasabat ng mga ilegal na shipment papasok ng bansa kabilang na nga rito ang pagkakaharang sa tangkang pagpasok ng ilegal na droga sa bansa nito lang mga nakaraang buwan.

May mga nakapagkwento rin sa atin na maraming mga ipinagagawa ang ilang bossing kay Commr. Nepo na tinanggihan niya dahil hindi nga raw korap ang komisyoner.

Pinalitan si Nepo ni Commissioner Charlito Martin Mendoza na nagsilbing Bureau of Internal Revenue commissioner nitong 2025 hanggang sa mapunta siya sa BOC.

Nangako si Mendoza sa pagtutuunan niya ng pansin ang illegal smuggling sa bansa, katulad ng mga iniwang programa ni commissioner Nepo.

Bilang dating commissioner ng BIR, ipinangako rin ni Mendoza na patataasin ang revenue collection ng ahensya sa ilalim ng kanyang pagbabantay.

Nagustuhan ko ang ipinangako ni Mendoza na pagtutuunan niya ng pansin ang nangyayaring delay sa mga cargo sa mga port. Sa ganitong paraan madaling matutugunan ang problema sa mga balikbayan box na natetengga sa bureau matapos itong abandonahin ng mga kumpanyang nagpadala sa bansa.

Ang Rapido naman ay narito upang tuluyang makipagtulungan sa ahensya upang matulungan ang ating kawawang mga OFW at mga pamilya nito na mga biktima ng panloloko ng mga cargo company.

Umaasa ang inyong lingkod na katulad ni Commr. Nepo, makikipagtulungan din sa Rapido si Commr. Mendoza.

16

Related posts

Leave a Comment