SC, IBINASURA PETISYON KONTRA PAG-ARESTO KAY DATING PANGULONG DUTERTE

IBINASURA ng Korte Suprema ang pinagsama-samang petisyon para sa writ of habeas corpus na kumukuwestiyon sa pag-aresto at pagkakakulong kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.

Siyam na mahistrado ang bumoto upang ideklarang moot and academic o wala nang praktikal na layuning pagpasiyahan ang petisyong inihain ng mga anak ng dating pangulo na sina Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte, Congressman Paolo “Pulong” Duterte at Veronica “Kitty” Duterte.

Ipinaliwanag ng Kataas-taasang Hukuman na hindi na maaaring ipatupad ng mga korte sa Pilipinas ang writ of habeas corpus dahil nasa kustodiya na ng ICC ang dating pangulo.

Ayon sa hukuman, ang writ of habeas corpus ay isang lokal na remedyo na limitado sa teritoryo ng Pilipinas. Dahil nasa ilalim na ng hurisdiksyon ng isang international court si Duterte, wala nang kapangyarihan ang mga korte sa bansa na ipag-utos ang kanyang pagpapalaya sa pamamagitan ng naturang writ.

Gayunman, nilinaw ng Korte Suprema na hindi nangangahulugan ang pagbasura sa petisyon na idineklara nitong legal ang pag-aresto kay Duterte o walang nalabag sa kanyang mga karapatan.
Binigyang-diin ng hukuman na ang tanging nilutas nito ay ang pagiging epektibo ng writ of habeas corpus sa kasalukuyang sitwasyon.

Anomang alegasyon ng paglabag sa mga karapatan ng dating pangulo ay maaari umanong idulog sa naaangkop na legal na proseso o sa hiwalay na petisyong nakabinbin sa Korte Suprema.

(JULIET PACOT)

24

Related posts

Leave a Comment