ITINULAK ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ang mas komprehensibong programa laban sa malnutrisyon sa mga bata kasunod ng pag-apruba ng bicameral conference committee sa pinag-isang bersiyon ng panukalang National Children’s Nutrition Act.
Sa paggunita ng Buwan ng mga Bata, sinabi ni Dy, isa sa mga may-akda ng panukala, na higit pa sa tagumpay sa lehislatura ang pagsusulong ng naturang batas dahil isa itong pamumuhunan sa kalusugan, dignidad at kinabukasan ng mga batang Pilipino.
“Naniniwala ako na isa sa pinakamahalagang pamana na maibibigay natin sa susunod na henerasyon ay ang pagkakataong lumaki silang malusog, malakas, at may magandang kinabukasan,” ani Dy.
“Hindi dapat maging hadlang ang gutom at malnutrisyon sa pangarap ng kahit sinong batang Pilipino. Kaya sa Bagong Kongreso, isinusulong natin ang mga batas na tunay na nagmamalasakit sa ating mga kabataan at nagbibigay sa kanila ng mas magandang simula sa buhay,” dagdag niya.
Pinag-isa sa panukala ang House Bill No. 9466 at Senate Bill No. 2272 upang maitatag ang National Children’s Nutrition Program na magpapalawak sa kasalukuyang feeding program at tutugon sa pangangailangan sa nutrisyon ng mga bata mula pagbubuntis hanggang sa kanilang pag-aaral.
Kabilang sa mga pangunahing probisyon nito ang pagpapalawak ng feeding program para sa mga batang edad dalawa hanggang wala pang limang taon; universal school-based feeding para sa lahat ng mag-aaral sa pampublikong paaralan mula Kindergarten hanggang Grade 3; at nakalaang feeding program para sa mga kulang sa nutrisyon sa Grades 4 hanggang 6.
Saklaw din nito ang mga buntis na kabataang nag-aaral at iba pang bulnerableng sektor.
Pinalalakas din ng panukala ang suporta sa unang 1,000 araw ng buhay ng bata sa pamamagitan ng regular na pagsubaybay sa nutrisyon at paglaki, karagdagang pagpapainom ng gatas, pagbibigay ng micronutrient supplements, pagsusuring pangkalusugan at pagbabakuna.
Nakapaloob din dito ang mga hakbang laban sa stunting o pagkabansot dahil sa malnutrisyon at acute malnutrition, gayundin ang edukasyon sa wastong nutrisyon, sanitasyon at mga programang nakabatay sa komunidad.
Upang matiyak ang maayos na pagpapatupad, palalakasin ang koordinasyon ng mga pambansang ahensiya at lokal na pamahalaan, gayundin ang mga mekanismo para sa pananagutan at pagsubaybay. Hihikayatin din ang pakikilahok ng pribadong sektor at mga komunidad.
Inaatasan din ng panukala na hindi bababa sa 30 porsyento ng kabuuang pangangailangan sa mga produktong agrikultural at pangisdaan ng programa ay direktang bilhin mula sa mga lokal na magsasaka at mangingisda, na bibigyang-prayoridad ang maliliit na prodyuser.
Papayagan lamang ang pagbili mula sa iba pang lokal na prodyuser kung hindi sapat ang ani at produkto ng maliliit na magsasaka at mangingisda upang matugunan ang pangangailangan ng programa.
18 