DALAWANG mataas na Communist Party of the Philippine-New People’s Army leaders ang nadakip sa inilatag na Joint PNP-AFP checkpoint sa Oriental Mindoro.
Ayon sa ulat na ipinarating kay Army Commanding General Lt. Gen. Roy Galido, naglatag ng joint checkpoint ang Philippine Army’s 2nd Infantry Division’s (2ID) at Philippine National Police na nagresulta sa pagkakasabat sa dalawang NPA terrorists na pinaniniwalaang kasapi ng Southern Tagalog Regional Party Committee sa bayan ng Bulalacao, sa Oriental Mindoro.
Bago ang paglalatag ng checkpoint ay nakasagupa ng tropa ng pamahalaan ang isang pulutong ng Communist Terrorist Group (CTG) sa bayan ng Mansalay dahil sa sumbong ng mga residente.
Bunsod nito, nagtatag ng choke point ang mga tauhan ng 4th Infantry Battalion (4IB) at Police Regional Office 4B sa Sitio Banti sa Barangay San Roque na nagresulta sa pagkakasabat sa dalawang armadong indibidwal.
Kinilala ang mga nasakote na sina alias “Ems”, deputy secretary ng Southern Tagalog Regional Party Committee (STRPC) at Kagawaran ng Rehiyon sa Edukasyon (KARED), at alias “Patrick”, regional staff ng KARED sa Edukasyon at dating platoon leader ng terrorist NPA group na kumikilos sa MIMAROPA region.
Nakuha umano sa pag-iingat ng mga suspek ang isang caliber .38 pistol, isang M203 grenade launcher, hand grenade, at IED components.
Pinasalamatan naman ni 2ID Commander, Maj. Gen. Roberto Capulong ang lokal na mga residente sa mabilis na pagbibigay ng impormasyon hinggil sa presensya ng mga rebelde.
Muling hinikayat ni Maj. Gen. Capulong ang nalalabing mga miyembro ng NPA na magsalong na ng sandata at tanggapin ang inaalok na pagbabagong buhay ng gobyerno dahil seryoso umano ang AFP na durugin ang nalalabing puwersa ng CPP-NPA sa lalong mabilis na panahon. (JESSE KABEL RUIZ)
