TARGET ni KA REX CAYANONG
HINDI dapat maging hadlang ang kahirapan upang mabigyan ng tamang pag-aaruga at oportunidad ang mga batang may autism spectrum at iba pang espesyal na pangangailangan. Sa isang lipunang dapat kumikilala sa karapatan ng bawat bata, mahalagang tiyakin na may sapat na suporta at serbisyong maagang makatutulong sa kanilang pag-unlad.
Kaya naman kapuri-puri ang hakbang ni Parañaque 2nd District Representative Brian Yamsuan sa pagsusulong ng House Bill 6309 na naglalayong magpatupad ng komprehensibong programa para sa early detection at intervention services para sa mga batang may espesyal na pangangailangan. Isa itong malinaw na patunay ng malasakit at tunay na pagkalinga sa sektor na madalas ay kulang sa atensyon at suporta.
Mahalaga ang maagang pagtukoy sa kondisyon ng isang bata dahil dito nagsisimula ang tamang paggabay at therapy na makatutulong upang mas mapabuti ang kanilang kakayahan at kalidad ng pamumuhay.
Ngunit sa kasalukuyan, napakabigat ng gastusin para sa maraming pamilya, lalo na’t umaabot sa ₱4,000 hanggang ₱5,000 kada buwan ang developmental screenings at therapy sessions. Para sa ordinaryong Pilipino, malaking pasanin ito na kadalasang hindi kayang tustusan.
Sa ilalim ng panukala, hindi lamang libreng intervention services ang bibigyang-pansin kundi maging ang pagpapalakas ng special needs-related workforce sa bansa. Sa pamamagitan ng scholarship grants para sa mga kursong may kaugnayan sa medisina at special education, mas maraming propesyonal ang mahihikayat na maglingkod sa sektor ng children with special needs.
Ito ay isang pangmatagalang solusyon upang mapalawak ang access sa serbisyong kailangan ng mga pamilya sa iba’t ibang panig ng bansa.
Napakahalaga rin ng panukalang pagtatatag ng early childhood disability identification and intervention service facilities sa mga government hospitals at barangay. Ipinapakita nito na nais ilapit mismo sa komunidad ang mga serbisyong dapat ay madaling maabot ng bawat pamilya, lalo na ng mga nasa malalayong lugar at kapos sa kakayahang pinansyal.
Sa pagsusulong ng ganitong klaseng panukala, pinatutunayan ni Cong. Yamsuan na may mga lider na handang unahin ang kapakanan ng mga batang nangangailangan ng espesyal na pag-aaruga.
Ang pag-aalaga sa mga batang may espesyal na pangangailangan ay hindi lamang responsibilidad ng kanilang pamilya kundi tungkulin din ng buong pamahalaan at lipunan.
95 