RIGODON SA SENADO, MORO-MORO?

RAPIDO ni PATRICK TULFO

ISANG moro-moro o isang planadong palabas na ang nangyari sa Senado nitong nakaraang Lunes, May 11, 2026.

Nasipa bilang Senate President si Sen. Tito Sotto na pinalitan ni dating Minority Leader Sen. Alan Peter Cayetano sa botong 13-9-2.

Agaw-atensyon pa itong absentee Senator Bato Dela Rosa na biglang lumutang sa araw ng botohan makalipas ang ilang buwang hindi pagpasok sa Senado.

Hindi na nakapagtataka o nakagugulat ang nangyaring rigodon sa Senado. Ngayong iaakyat na sa Senado ang impeachment complaint kay VP Sara Duterte, double time ang mga senador sa pagpaplano ng kanilang gagawing hakbang (maaaring karamihan sa mga senador ay kasama sa planadong rigodon na ito).

Bilang simpleng mamamayan, hindi natin alam kung ano ang mga plano ng mga “inihalal ng bayan” sa gagawing pagdinig sa kaso ng bise presidente.

Maaaring iniligtas na ni Sen. Tito Sotto ang kanyang sarili sa gagawing pagdinig. Kumbaga, sumang-ayon na siya sa planong pagpapatalsik sa kanya dahil hindi naman siya isang abogado. Mas ginusto siguro ni Sen. Sotto na isang abogado ang manguna sa pagdinig.

Kahit ano naman ang kahihitnan ng nasabing pagdinig ay meron pa ring aalma. Sakaling ma-impeach ang bise presidente, alam naman nating ‘di magpapapigil ang mga DDS na magsagawa ng protesta.

Ganun din kung mabasura ang impeachment, asahan mo nang magkakaroon din ng pag-aaklas mula sa mamamayang pagod na sa mga Duterte.

Dapat ay bantayan ng taumbayan ang pagdinig na ito dahil dito nakasalalay ang kinubukasan ng bansa. Kasama ang taumbayan sa huhusga kung ito man ay papabor o hindi sa VP.

76

Related posts

Leave a Comment