HINDI LANG SI VP SARA ‘NASA TRIAL’ SA IMPEACHMENT PROCEEDINGS – INTON

HINDI lamang si Vice President Sara Duterte ang nakasalang sa impeachment trial kundi maging ang mga demokratikong institusyon ng bansa.

Ito ang pananaw ni Atty. Ariel Inton kaugnay ng muling pag-impeach ng House of Representatives kay VP Sara Duterte.

Ayon kay Inton, tapos na ang proseso sa Kamara at nasa Senado na ang susunod na yugto ng impeachment proceedings.

“Tapos na sa House. Ang laban ay sa Senado na. Pero hintayin natin ang magiging pasya ng Korte Suprema sa mga kaso na isinampa tungkol sa proseso ng impeachment,” ani Inton.

Sinabi nito na hindi na umano nakapagtataka ang naging resulta ng botohan sa Kamara ngunit natabunan ito ng pagpapalit ng liderato sa Senado at paglitaw ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa plenaryo.

“Suma total na-impeach na si VP Sara at ita-transmit na sa Senado ang Articles of Impeachment. Kung kailan sila magco-convene na impeachment court, ‘yan ang aabangan ng taongbayan,” dagdag nito.

Ayon kay Inton, nasa Senado na ang kapangyarihan kung kailan sisimulan ang impeachment trial at kung kailan ito matatapos.

Ipinaliwanag din nito na ang terminong “forthwith” ay dati nang binigyang kahulugan ng Korte Suprema at hindi nangangahulugang “immediately” kundi “within a reasonable time depending upon the circumstances.”

“Kailan mag-uumpisa ang trial at kailan matatapos? Kailan ang judgment at ano ang judgment? Lahat ‘yan ay nakasalalay na sa Senado bilang impeachment court,” ani Inton.

Binigyang-diin din nito ang kahalagahan ng magiging pasya ng Korte Suprema sa mga petisyong kumukuwestiyon sa proseso ng impeachment sa Kamara, partikular ang isinagawang “mini trial” ng House justice committee.

“Hindi lang si VP Sara ang nasa ‘trial’ kung hindi ang buong democratic institutions natin,” dagdag pa niya.

96

Related posts

Leave a Comment