SUMUGOD sa Senado ang grupong Sandugo sa pangunguna ni Ka Jet Gonzaga upang ipanawagan sa mga senador ang pagpapatuloy ng impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Ka Jet, nararapat lamang na managot umano si Duterte sa mga alegasyon laban dito, partikular sa umano’y paglustay ng pondo ng bayan.
Sinabi rin nito na dapat makamit ng mamamayan ang hustisya kaugnay ng isyu.
Bukod sa panawagan para sa impeachment, hinimok din ni Ka Jet si Senator Ronald “Bato” dela Rosa na sumuko at harapin ang proseso ng batas.
Habang patungo sa Senado para sa kilos-protesta, sinalubong umano ang grupo ng ilang pro-Duterte supporters na nagtangkang sirain ang kanilang mga placard.
Sa kabila nito, umiwas na lamang ang grupo sa komprontasyon at sinunod ang payo ng mga pulis na lumipat ng lugar para sa mapayapang pagdaraos ng protesta.
Nanindigan din si Ka Jet na suportado nila ang kasalukuyang administrasyon at ang mga programa nito para sa mamamayan.
Giit pa nito, dapat managot ang sinumang mapatunayang nagkasala lalo na kung pondo ng bayan ang sangkot.
(DANNY BACOLOD)
87 