INAPRUBAHAN ng House Committee on Welfare of Children ang isang panukalang batas na naglalayong gawing institusyonal at palakasin ang papel ng Parent-Teacher and Community Associations (PTCAs) sa mga pampublikong paaralan.
Ang substitute bill ay pinagsamang bersyon ng House Bills Nos. 415, 2972 at 4069 na inakda nina Reps. Lani Mercado-Revilla, Bryan Revilla, Ramon Jolo Revilla III, Martin Romualdez at Yedda Marie Romualdez.
Ayon kay Ako Ilokano Party-list Rep. Richelle Singson na siyang chairperson ng komite, mahalagang hakbang ito dahil matagal nang umiiral ang PTCA sa pamamagitan lamang ng administrative issuances at wala pang malinaw na statutory mandate.
“The bill provides the statutory framework that has long been lacking,” ani Singson.
Sa ilalim ng panukala, pormal nang magtatatag ng PTCA sa lahat ng public child development centers at basic education schools.
Magkakaroon din ng kinatawan mula sa komunidad na magsisilbing adviser o resource person habang oobligahin ang PTCA na magtalaga ng parent representative sa school child protection committee.
Nakasaad din sa panukala ang proteksyon sa kalayaan ng mga magulang kung nais nilang sumali o hindi sa organisasyon.
Aamyendahan din ng panukala ang Article 77 ng Presidential Decree No. 603 upang mapalakas ang koordinasyon ng PTCA sa mga opisyal ng paaralan, student councils, Local Councils for the Protection of Children (LCPCs), at iba pang ahensya ng gobyerno.
Magdadagdag din ito ng bagong probisyon o Article 77-A na mag-uutos sa PTCA na makipagtulungan para sa proteksyon at holistic development ng mga kabataan.
(TINA MENDOZA)
68 