HAWAK na ng Pambansang Pulisya ang dalawang missing link sa kaso ng missing sabungeros, ayon kay PNP Spokesperson Police BGen. Jean Fajardo kahapon.
Sa press briefing nitong Huwebes ng umaga sa Camp Crame, sinabi ni Fajardo na naaresto ang dalawang kapatid ng whistleblower na si alyas Totoy na sina Elakim at Jose Patidongan sa isang bansa sa Southeast Asia at dumating sa bansa nitong Hulyo 22.
Sinasabing si Elakim ang nag-withdraw sa ATM account ng isang nawawalang sabungero habang si Jose ang nakuhanan ng video na umano’y nag-escort sa isa pang nawawalang sabungero.
May warrant of arrest umano si Jose sa kasong robbery habang si Elakim naman ay nahuli dahil sa paggamit ng ibang pangalan (Robert Baylon) sa passport.
Naniniwala ang PNP na mabibigyan na ng linaw ang kaso ng missing sabungeros sa pagkakahuli ng dalawang kapatid ni alyas Totoy.
Samantala, sinabi ni Fajardo na lehitimo ang paghuli sa 2 dahil may pakikipapagtulungan ito sa Bureau of Immigration at naaprubahan din ang kanilang Case Operational Plan.
Ipapasok sa WPP
Samantala, malaki ang posibilidad na maipasok agad sa Witness Protection Program (WPP) ang lumabas na bagong testigo sa nawawalang mga sabungero.
Sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla na sa ngayon ay binubuo o tinatapos na lang ang affidavit ng hindi muna pinangalanang testigo.
Gayunman, batay anya sa batas ay kailangan munang makasuhan ang testigo at makapasa sa evaluation ang kanyang salaysay para matanggal siya bilang akusado at makapasok bilang testigo.
Kaugnay nito, kumpiyansa si Remulla na maisasampa nila sa korte sa lalong madaling panahon ang mga kaso laban sa itinuturong mga suspek.
Ipinaliwanag ni Remulla na kasong murder, kidnapping with murder at paglabag sa international humanitarian law ang kanilang ihahain sa korte laban sa mga suspek.
Kinumpirma rin ng DoJ na nasa kustodiya na ng Philippine National Police ang bagong testigo na magpapatibay rin sa mga pahayag ni Julie Patindogan o alyas Totoy.
Magugunitang sa nakaraang State of the Nation Address (SONA), tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mananagot sa batas ang mga sangkot sa krimen, maging sila man ay opisyal ng gobyerno o sibilyan.
Wala Nang DNA
Sa kabilang dako, sinabi ng PNP na walang na-extract na DNA profile mula sa mga buto na nakuha sa Taal lake.
Tatlong DNA profile naman ang na-extract mula sa mga buto na nahukay sa isang sementeryo sa Batangas.
Ito ay dalawang lalaki at isang babae, batay sa DNA profile.
Bagaman may narekober na buto mula sa Taal Lake, hindi naman ito tumugma sa 23 DNA samples na hawak nila mula sa mga kaanak ng mga nawawalang sabungero.
Ayon kay Spokesperson PBGen Jean Fajardo, kontaminado na ang mga ito dahil sa matagal na pagkakababad sa tubig.
Hindi naman isinasantabi ng PNP na magagamit ang mga DNA sample na nakuha sa mga narekober na buto sa iba pang kaso katulad sa nawawalang beauty queen na si Catherine Camilon at iba pa.
(TOTO NABAJA/JULIET PACOT)
280 