SAMAR – Dalawang tauhan ng Philippine Army ang namatay sa pagtatanggol sa mga sibilyang naipit sa labanan sa Barangay Baclayon, sa bayan ng San Jose De Buan, sa lalawigan noong Miyerkoles.
Kinumpirma ng Army 8th Infantry (Stormtroopers) Division ang pagkamatay ng dalawang sundalo habang nakikipagbakbakan sa nalalabing kasapi ng Communist NPA Terrorists sa lalawigan ng Samar na ikinasugat ng isang sibilyan.
Nangyari ang sagupaan sa gitna ng isinasagawang security operation ng mga sundalo laban sa New People’s Army remnants kasunod ng validated reports na kanilang nakalap mula sa mga residente hinggil sa presensya ng mga armadong CNTs sa loob ng kanilang komunidad.
Ayon sa ulat, ilang armadong kalalakihan ang puwersahang inokupa ang isang pribadong lugar at ginamit itong pansamantalang kanlungan na tahasang paglabag sa International Humanitarian Law (IHL).
Sa kanilang pagtupad sa tungkulin batay sa mandatong inatang sa mga sundalo na pangalagaan ang mga sibilyan at mapanumbalik ang kaayusan, nagsagawa ng security operation ang mga awtoridad subalit sinalubong sila agad ng hostile fire mula sa mga armadong CNTs, kaya nauwi ito sa legitimate defensive firefight.
“While maneuvering to shield civilians caught in the danger area, troops were treacherously targeted by the CNTs. This resulted in the death of two soldiers who gave their lives in the line of duty to protect the community and uphold the rule of law,” ayon sa ulat na ipinarating sa tanggapan ni Army commanding general, Lt. Gen Antonio G. Nafarrete.
Kinondena ng pamunuan ng Army 8th ID ang patuloy na paglabag ng NPA sa umiiral na IHL at tahasang pagbalewala sa buhay ng mga sibilyan na ginagamit nilang pananggalang laban sa security forces.
Hanggang nitong Huwebes ay hindi nilulubayan ng mga sundalo ang kanilang hot pursuit operations sa mga tumatakas na nalalabing kasapi ng Eastern Visayas Regional Party Committee (EVRPC).
Pinapurihan naman ng 8ID ang ipinakitang katapangan ng mga sibilyan sa pagre-report agad hinggil sa presensiya ng mga NPA kaya mabilis na natugunan ang security threat sa komunidad.
“The 8th Infantry Division reaffirms its unwavering commitment in protecting communities, upholding International Humanitarian Law, and ensuring that all operations are conducted with utmost professionalism, legitimacy, and respect for human rights,” ayon sa 8ID statement.
Ginawaran naman ng pagkilala ang mga nasawing sundalo sa ipinakita nilang katapangan, sakripisyo para sa mga sibilyang nasa gitna ng panganib. “The fallen heroes will forever be honored for their courage, sacrifice, and steadfast service to the people of Eastern Visayas.”
(JESSE RUIZ)
29
