SA PWD AT SENIOR DISCOUNT, LUGI PALA MGA NEGOSYO?

RAPIDO ni PATRICK TULFO

MALAKING tulong para sa mga senior citizen at persons with disability (PWDs) ang ibinibigay na 20% discount sa kanilang pagkain, gamot, transportasyon at iba pa.

Ito ay matapos gawing batas noong 1992 ang pagbibigay ng diskwento sa mga senior at PWD sa mga restaurant at iba pang establisyimento, kung saan kinukuha sa gobyerno ang mga ibinibigay na diskwento bilang tax refund o credit

Pero noong 2004, mula sa total refund sa gobyerno, naging tax deduction o ibinabawas na lamang sa tax ang ilang diskwentong ibinibigay para sa mga senior at PWD. At ngayon ngang 2026, nalaman natin mula sa RestoPh (Restaurant Owners of the Philippines) na wala na pala silang nakukuhang refund mula sa gobyerno.

Tanging ang mga restaurant, botika at iba pang establisyimento na lamang ang pumapasan sa mga nawalang kita mula sa pagbibigay ng diskwentong ipinangako ng gobyerno.

Naalala ko tuloy ang kwento ng isang kaibigan na may-ari ng isang restaurant chain sa Metro Manila, may isang grupo umano ng mga senior citizen na nasa 12 katao ang umorder ng isang bilaong pancit na nagkakahalaga ng P500 pero lahat silang 12 ay gumamit ng kanilang senior discount, halos wala na umanong natira sa bill kaya’t nagbiruan ang crew na sana ay humingi na lang ng pancit ang mga senior dahil parang ganun na rin ang nangyari.

Ang masakit dito ay hindi naman ibabalik ng gobyerno ang kanilang ibinigay na discount dahil wala umanong pondo ang gobyerno upang ibalik ito sa mga kumpanya.

Sa madaling salita, papogi lang ng gobyerno sa mga senior at PWD ang ginawa nilang batas, dahil tanging ang mga kumpanya lamang ang nahihirapan sa dami ng binibigyan nila ng discount sa bawat araw.

Nilinaw naman ng RestoPh na hindi sila tutol sa pagbibigay ng diskwento sa mga senior at PWD, basta tulungan lang sila ng gobyerno na makakuha ng pondo para matugunan ang nawalang kita para rito.

Tama lang na tulungan sila ng gobyerno. Sila ang nagpasa ng mga batas na ito, ibig sabihin nakaplano kung saan kukunin o babawiin ang pondo upang mabayaran ang mga private company na ito.

Tapos may plano pa ang gobyerno na itaas sa 30% ang discount. Sa 20% nga wala kayong pambayad, 30% pa kaya?

76

Related posts

Leave a Comment