3 sibak, 12 suspendido RIGODON KONTRA KORAP

0

PAGTITIYAK ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero, malayo na sa dating kawanihang kilala sa katiwalian ang bagong Bureau of Customs (BOC) na kanyang pinamumunuan.

Katunayan aniya, kabi-kabila na ang kanilang sinibak, sinuspinde at ni-relieve sa pwesto. Sa tala ng kawanihan, 516 opisyal at empleyado mula sa iba’t ibang tanggapan ng BOC sa buong bansa ang inisyuhan ng show-cause order – mula Enero hanggang Setyembre pa lamang.

Sa datos para sa kasa­lukuyang taon, tatlo na ang sinibak ni Guerrero mula sa kawanihan, habang 12 naman ang pinatawan ng suspensyon kaugnay ng kampanya ng BOC kontra katiwalian, bukod pa sa mga itinapon sa malalayong tanggapan dahil sa tigas ng ulo at pagsuway sa kanilang reglamento.

Babala ni Guerrero, marami pa ang kanilang kakalusin sa hangaring linisin ng husto ang kanilang ahensya, kasabay ng pahayag kaugnay ng kabi-kabilang pagsasampa ng mga kasong administratibo sa mga sablay na tauhan ng kanilang kawanihan.

Aniya, isinailalim na rin sa imbestigasyon ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) ang 126 opis­yal at kawani ng BOC.

Sa nasabing bilang, 31 ang sinampahan ng mga kasong administratibo, habang 57 kaso naman ang inindorso na sa National Bureau of Investigation (NBI) at isa sa Office of the Ombudsman para sa kaukulang aksyon.

Mula Enero hanggang Setyembre, binalasa rin ni Guerrero ang kawanihang pinamumunuan. Sapul sa reshuffle ang anim na ni-relieve sa pwesto (floating) habang 543 iba pa ang idinestino sa malalayong tanggapan ng kanilang kawanihan dahil sa kinasangkutang iregularidad sa pagganap ng kani-kanilang tungkulin sa BOC.

Read More

JACKPOT SA CONTAINER SCAM

0

IMBESTIGAHAN NATIN NI JOEL O. AMONGO

SA kabila pa ng mga babala at paghihigpit ng Bureau of Customs (BOC), nakakalungkot isiping tila walang takot ang sindikato sa likod ng container investment scam sa Aduana.

Dangan naman kasi, mas malaki ang kikitain sa papalapit na Kapaskuhan – panahong dagsa ang pagdating ng mga kargamento mula sa iba’t ibang panig ng daigdig.

Hindi rin naman nakakapagtakang maraming madenggoy ang sindikato sa pangakong P2.5M na kita sa loob lang ng 55 araw. Susmaryosep!

Daig pa ang tanyag na pyramiding scheme noong mga nakaraang dekada.

Sa ilalim ng tinatawag na container investment scam sa BOC, nangangalap ang sindikato ng mga nais mamuhunan para sa mala-jackpot na kitaan sa loob lamang ng maikling panahon kung tataya sila sa mga nakatenggang container sa Aduana.

Saad ng aking impormante, siya mismo ay makailang ulit nang hinimok na maglagak ng milyong piso ng isang “BS” kasabay ng pangakong matamis pa sa sambit ng mga pulitkong nangangalabit para sa boto.

Katunayan, may screenshots tayo ng text message ng ungas na si BS sa ating impormante – “Hindi legal to bro para i-chat hahaha. Basta 55 days per cycle 50% kasama puhunan. Ngayon double cycle para mas malaki at malapit na ang Pasko.”

But wait, there’s more – nagpadala pa ng larawan ng bundle-bundle na salapi, kalakip ang mensaheng MOTIVATE YOURSELF, P2.5M in 55 days.

Mahigpit sa dilang mahigpit si Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero. Ang nakakapagtaka lang ay kung paano nakakalusot ang mga galawang sindikatong tulad nito.

Sa abot ng ating kaalaman, sadya namang dinedesisyunan ng BOC ang mga abandonado at kumpiskadong kargamentong pampasikip lamang sa pasilidad ng kawanihan. Pero ang mga nasabing kargamentong dinidispatsa ng BOC ay karaniwang idinadaan sa subasta at hindi sa usapang pailalim dahil ito mismo ang ayaw ni Guerrero.

Ang siste, sapul dito ang walang malay na kakagat sa modus ng sindikato dahil wala namang katiyakang makokorner nila ang kumpiskado at abandonadong kargamento sa ilalim ng prosesong “public auction” ng kawanihan. Ni walang resibong tinanggap ang milyong pisong requirement sa anila’y mala-jackpot na kitaan umano sa Aduana.

Pag nagkataon, sayang lang ang pagsisikap ni Guerrero. Masisira lang sa galawang sindikatong tila may basbas ng ilang taong gobyerno.

oOo

Para sa sumbong, lumihan sa email add: operarioj45@gmail.com o magtext sa 0919-2595907

Read More

MMDA PABOR SA PAGBABA NG ALERT LEVEL SA NCR

0

PABOR si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos na ibaba ang Alert Level 4 sa Kalakhang Maynila sa gitna ng COVID-19 pandemic.

“Nakikita talaga natin pababa eh, magmula sa two-week growth, nagsimula ang pilot, 113%. Ngayon -41% na,” ayon kay Abalos sa isang panayam.
“Personally, dapat ibaba na po ang alert level,” dagdag na pahayag nito.

Gayunman, sinabi ni Abalos na ipinauubaya na niya at ng mga alkalde sa Kalakhang Maynila sa Department of Health (DoH) ang pagdedesisyon sa bagay na ito.
“Of course we leave that to the experts. Yan po talaga ang posisyon ng mga alkalde,” aniya.

Nakatakda namang mapaso ang Alert Level 4 sa Kalakhang Maynila sa darating na Biyernes, Oktubre 15.

Ang mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 4 ay iyong mayroong mataas at/o tumataas na COVID-19 cases habang ang total beds at ICU beds ay nasa high utilization rate.
Kaugnay nito, pabor din ang OCTA Research Group na ibaba ang alert level sa Metro Manila.

Ayon kay Dr. Guido David ng OCTA,  sa unang linggo pa lamang ng Oktubre ay maaari nang ibaba sa Alert Level 3 ang National Capital Region (NCR).

Kung magpapatuloy ang kasalukuyang downward trend ay posible pa umanong bumaba ang mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa bansa hanggang 6,000 na lamang sa Nobyembre at mula 3,000 hanggang 4,000 kaso na lamang pagsapit ng Disyembre.

Idinagdag pa ni David na inaasahan din nilang patuloy na bababa ang mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa NCR na posibleng umabot na lamang sa wala pang 1,000 kada araw sa Nobyembre at mula 400 hanggang 600 kaso naman, pagsapit ng Disyembre. (CHRISTIAN DALE/RENE CRISOSTOMO)

Read More

3 PATAY SA COVID-19 SA 3 CAMANAVA CITIES

0

NAGKAROON ng tig-iisang namatay dahil sa COVID-19 ang mga lungsod ng Malabon, Navotas at Valenzuela, ayon sa pinakahuling ulat ng health offices ng nasabing mga lungsod.

Napag-alaman, isa ang namatay sa Malabon City noong Oktubre 12 habang 30 ang nadagdag na confirmed cases. Sa kabuuan ay 20,951 ang positive cases sa siyudad, 233 dito ang active cases.

Umabot naman sa 20 pasyente ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling at sa kabuuan ay 20,084 ang recovered patients ng Malabon, habang umakyat sa 634 ang COVID death toll.

Isa ring pasyente ang iginupo ng pandemya sa Valenzuela City noong Oktubre 12, habang 714 ang active cases sa lungsod makaraang 129 ang gumaling at 141 ang nahawaan ng virus.

Pumalo na sa 34,566 ang mga tinamaan ng COVID sa siyudad, at sa nasabing bilang ay 33,112 na ang gumaling at 740 ang namatay.

Binawian naman ng buhay ang isang COVID patient sa Navotas City, habang 266 ang active cases hanggang 11:59 pm noong Oktubre 11 matapos na 14 ang nagpositibo sa virus at 31 ang gumaling.

Sumampa na sa 17,458 ang nasapul ng pandemya sa fishing capital, at sa nasabing bilang ay 16,656 na ang gumaling at 536 ang namatay.

Wala pang inilalabas na COVID-19 cases update ang Caloocan City habang isinusulat ito. (ALAIN AJERO)

Read More

MOST WANTED PERSON HULI SA QC

0

NALAMBAT ng mga operatiba ng Batasan Police Station (PS-6) ang district level most wanted person sa bisa ng warrant of arrest sa Quezon City noong Martes.

Kinilala ni P/Lt. Col. Alexy Sonido ang suspek na si Alfredo Reyes III, 29-anyos, residente ng Kasunduan Extn., Brgy. Commonwealth, Quezon City.

Si Reyes ay inaresto dakong alas-6:00 ng hapon noong Oktubre 12, 2021 sa kanyang bahay sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Primo G. Sio. Jr., ng Branch 96, Regional Trial Court, National Capital Judicial Region, Quezon City ngunit walang inirekomendang piyansa.

Ayon kay P/BGen. Antonio Yarra, hepe ng Quezon City Police District, ang mga operatiba ay hindi titigil sa kanilang paghahanap sa mga kriminal na nagtatago sa batas para sa kaligtasan ng mga residente ng lungsod. (JOEL O. AMONGO)

Read More

2,309 SUGAROL NALAMBAT SA QC

0

UMABOT sa 2,309 katao ang nalambat ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) sa anti-illegal gambling operations sa nabanggit na lungsod simula Enero ng taong kasalukuyan.

Ayon kay QCPD Director Police Brigadier General Antonio Yarra, bukod sa mga dinakip sa kampanya kontra illegal gambling, kumpiskado rin sa operasyon ang P953,189.25 bet money.

Aniya, 223 sa 2,309 na inaresto kaugnay ng ilegal na pasugal, ay pasok sa illegal number games gaya ng EZ2, loteng at bookies.

Pag-amin ni Yarra, higit na mataas ang bilang ng arestadong mga sugarol at may pasugal ngayong taon kumpara sa 1,964 na naitala noong nakaraang taon. Paliwanag ng heneral, mas masigasig ang kanilang isinasagawang kampanya bilang tugon sa direktiba ni Philippine National Police chief, General Guillermo Eleazar.

Una nang nagpatupad ang QCPD chief ng ‘one-strike policy’ sa lahat ng nasasakupang istasyon ng pulisya at unit commanders na nadiskubreng sangkot o may koneksyon sa illegal gambling.

Noong Agosto, dalawang station commanders at pitong Police Community Precinct commanders ang sinibak sa pwesto dahil sa patuloy na pamamayagpag ng ilegal na sugal sa kani-kanilang nasasakupan.

“This is to intensify our fight against illegal gambling and further strengthen the sense of responsibility of subordinate police commanders in revitalizing their efforts towards unlawful gambling operations within their respective areas of jurisdiction,” paliwanag ng QCPD director.

Nagpasalamat naman si QC Mayor Joy Belmonte sa mga pulis sa kanilang pagbabantay sa mga lansangan para makatiyak na walang lalabag sa ipinatutupad na mga batas at ordinansang mahigpit na nagpapataw ng parusa sa mga sangkot ng illegal gambling sa gitna ng pandemya. (LILY REYES)

Read More

Toby Tiangco, magreretiro na sa politika?

0

Naging palaisipan sa nakararami lalo na ng mga Navoteño kung nagbabalak na bang magretiro ni veteran Navotas politician, incumbent mayor Tobias ‘Toby’ Tiangco sa politika nang hindi ito maghain ng kanyang Certificate of Candidacy (CoC) kahit sa anumang posisyon para sa eleksyong 2022 .

Ayon sa dokumento ng Commission on Elections (Comelec) tatakbong mayor ng Navotas sa 2022 elections ang kapatid ni Mayor Toby na si Congressman John Rey Tiangco sa ilalim ng Partido Navoteño, ang local political party ng mga Tiangco. Makakalaban nito sina Gaudencio Manlapaz ng Aksyon Demokratiko at Mario Camacho na tatakbo bilang independent candidate.

Sa pagkabise alcalde, maglalaban si Tito Morales ng Partido Navoteño, Raymond Emil Cruz ng Aksyon Demokratiko at Freddie Marquez bilang independent candidate habang sa pagkakongresista naman sina Gil Acupang ng Partido Navoteño at Katherine Ann Cruz ng Aksyon Demokratiko.

Nabatid na marami ang nagulat nang hindi na nagsumite ng CoC si Toby na batid ng lahat na aktibo ito sa politika sa loob ng 20 taon. Nahalal si Toby taong 1998 bilang vice mayor ng lungsod at tumakbo at nanalo sa pagkakongresista taong 2010 hanggang 2019 at humalili naman ang kanyang kapatid na si John Rey.

Simula ng pumutok ang pandemya ng Covid 19, bihira ng makita sa publiko ang opisyal maging sa kanyang opisina sa Navotas City Hall.

Samantala, sa kanyang social media account, inamin ni Mayor Toby na nakakaramdam pa rin siya ng takot sa kabila ng pagbaba ng kaso ng Covid sa lungsod. Nagbiro din ito na natuto na rin pati ang kanyang sapatos ng social distancing dahil matagal na rin itong hindi nagagamit bunsod ng pandemya.

“Sinubukan na rin nating lumabas. Medyo kabado pa din sa Covid-19 dahil sa aking comorbidity,” pahayag ni Mayor Toby sa kanyang social media account.

“Nag-ikot po ako sa ilang pasilidad sa ating lungsod. Sayang at hindi ko na naabutan ang payout. Pag matagal palang hindi nagagamit ang sapatos, ganito pala ang nangyayari, pati sapatos nag-social distancing na rin,” dagdag nito. Jhay Santiago

Read More

QUEZON GOV. SUAREZ, ABOGADANG ANAK NASA HOT WATER

0

KAPAG napatunayan, posibleng ma-disbar ang abogadang anak ni Quezon Governor Danilo Suarez na si Atty. Joana Suarez at suspensyon naman laban kay Gov. Suarez dahil sa ginawa umanong pag-areglo o panunuhol ng mag-ama sa menor de edad na biktima upang iurong nito ang isinampang mga kasong kidnapping and serious illegal detention with rape, laban kay Lopez, Quezon Municipal Councilor Arkie Manuel Ortiz-Yulde.

Sa limang pahinang complaint affidavit ng pamilya ng biktima na isinampa sa office of the Ombudsman (OMB), inireklamo nila ang mag-amang Governor Danilo Suarez at Atty. Joana Suarez ng obstruction of justice, accessory to the crime of child abuse at paglabag sa Paragraph (e) sa Section 3 ng Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices act.

Kabilang na rito ang mga reklamong administratibo o grave abuse of authority, grave misconduct, dishonesty, oppression, at paglabag sa Paragraph (a, b and c) under Section 4 ng RA 6713, laban kay Gov. Suarez.

Katuwang naman ng batang biktima at ina nitong si Rose Rosario Tapiador, 53-anyos, sa pag­hahain ng kaso sa Ombudsman nito lamang October 7, 2021, ang grupong Citizens Movement Against Corruption, Crime, Illegal Drugs and Gambling, Inc., sa pangunguna ni Prop. Salvador Singson-de Guzman.

Sa reklamo na inihain ng ina ng batang biktima, hiniling nito sa Ombudsman ang agarang aksyon laban kay Gov. Suarez at anak nito upang mapigilan ang mga respondent na maipluwensyahan ang kanilang kaso laban kay Konsehal Yulde.

Nakasaad sa complaint affidavit ni Rosario Tapiador sa Ombudsman, na pilit inaareglo ni Governor Suarez sa pamamagitan ng kanyang anak na si Atty. Joana Suarez, ang nabanggit na mga kaso laban kay Councilor Yulde na pinatotohanan naman ni Anamarie Santiago na siyang kasama ni Atty. Suarez nang magtungo ito sa bahay ng pamilya ng biktima.

Ayon sa sinumpaang salaysay ni Anamarie Santiago, siya ay pinsan ni Rose Tapiador, ina ng batang biktima, siya ang nagturo at kasama ni Atty. Suarez nang magtungo sa bahay ng pamilya Tapiador sa Pasig City, at nakaharap siya at narinig niya nang alukin umano ni Atty. Suarez ng P3 milyon ang biktima kapalit naman ng pag-urong nito sa inihaing kaso laban kay Councilor Yulde.

Na ang paunang bayad aniya ay P2 milyong cash at ang balanse na P1 milyon naman ay ibibigay ni Atty. Suarez kapag pumirma na ang biktima ng affidavit of desistance; subalit hindi umano nagtagumpay si Atty. ­Suarez dahil tumanggi ang biktima at nanindigan siyang hustisya ang kailangan niya, hindi pera.

Naganap umano ang tangkang pang-areglo o panunuhol ni Atty. Suarez sa biktima noong Setyembre 25, 2021.

Samantala, inakusahan din ni Anamarie Santiago si Gov. ­Suarez ng pagpapadukot sa kanya noong madaling araw ng Setyembre 22.

Kuwento ni Anamarie, dakong alas-2 ng madaling araw noong Setyembre 22, natutulog siya sa kanilang nirerentahang bahay sa Malabon City kasama ang kinakasama niyang si Rodel, nang may biglang kumatok sa pintuan ng kanilang bahay.

Pagbukas umano ni ­Anamarie ng pintuan kaagad na pumasok sa loob ng bahay nila ang tatlong armadong lalaki na naka­suot ng bonnet.

Kaagad umano siyang hina­wakan sa braso ng isa sa mga armadong kalalakihan at sinabihan siyang sumama nang maayos sa kanila dahil ipinasusundo siya ni Governor Suarez.

Bago umano sila umalis ay binantaan pa umano ng tatlong dumukot sa kanya ang kanyang kinakasama na huwag itong magsusumbong sa pulis at sa kahit kanino dahil papatayin nila si Anamarie kapag ginawa niya iyon.

Sinabi ni Anamarie na ka­agad siyang isinakay sa ­isang sasakyang van na kulay puti at nakita niya sa loob ng sasakyan ang hipag niyang si Myrna na taga Mauban, probinsya ng Que­zon, na siya umanong nagturo sa kanyang kinaroroonan, dinala umano siya sa kapitolyo ng Quezon at doon siya pansamantalang ikinulong.

At noong Setyembre 24, 2021, aniya ay dumating si Gov. Suarez sa kapitolyo at naka­usap niya ito, kung saan inatasan umano siya ni Gov. Suarez na tulungan sila upang makalabas ng kulungan si Councilor Yulde dahil kailangan niya umano si Councilor Yulde para sa pagsasampa ng kaso sa Ombudsman laban kay Engr. Tan ng DPWH sa Region 1.

Pinakiusapan umano siya ni Gov. Suarez na samahan ang anak nito na si Atty. Joana Suarez sa tinutuluyang bahay ng pamilya Tapiador dahil sa batid ni Gov. Suarez na alam ito ni Anamarie.

Ayon naman kay Prop. De Guzman, ang pahayag ni Ana-marie Santiago ay isang matibay na basehan upang mapanagot sa kaso si Governor Suarez at anak niyang si Atty. Joana Suarez, dahil malinaw na nais nilang pagtakpan ang mga kaso ni Yulde sa publiko, at ito ay isang malaking paglabag sa itinatadhana ng batas.

Nauna nang kinasuhan ng batang biktima ang akusadong si Municipal Councilor Arkie Manuel Ortiz-Yulde ng Lopez, Quezon, sa Provincial Prosecutor’s Office ng Rosales, Pangasinan, sa tulong na rin ng grupo ni Prop. De Guzman noong Mayo 14, ng kidnapping at paulit-ulit na panghahalay sa batang Tapiador na nangyari sa loob ng isang hotel sa Rosales, Pangasinan, mula Abril 17 hanggang Abril 22, 2021.

Kaagad namang inaksyunan ito ni Assistant Provincial Prosecutor Ramil J. Lopez at nagpalabas ito ng resolution at information kaugnay ng mga nasabing kaso at isinampa ito sa Regional Trial Court ng Rosales, Pangasinan.

Dahil dito, nagpalabas naman ng dalawang mandato de aresto si Judge Roselyn Andrada-Borja ng RTC Branch 53 ng Rosales, Pangasinan, noong Setyembre 15, 2021. Ito’y para sa mga kasong kidnapping and ­serious illegal detention with rape na may Criminal Case No. 7345-R at paglabag sa Section 5 (b) Article 111 ng Republic Act No. 7610 na may Criminal Case No.7344-R, laban kay Yulde na walang kaukulang piyansa.

Noong Setyembre 20, 2021 naman ay inaresto si Councilor Yulde ng pinagsanib na puwersa ng Criminal Investigation and Detections Group, sa pamumuno ni Lt. Col. Ariel Huesca, at mga pulis ng Lopez at Catanauan Municipal Police Stations, 1st Quezon Provincial Mobile Force Company at Regional Mobile Force Battalion ng Region 4-A.

Samantala, sa kasalukuyan ay nailipat na aniya sa Pangasinan Provincial Jail si Councilor Yulde, ito’y kasunod na rin nang ipinalabas na kautusan ng hukuman, kung saan naisampa at diringgin ang naturang mga kaso laban kay Yulde.

Read More

ADYENDA SA LIKOD NG KANDIDATURA

0

SA nag-iisang tronong mababakante sa Palasyo, 97 ang may puntiryang pumalit sa Pangulo pagsapit ng pagtatapos ng kanyang termino.

Gayundin sa Senado kung saan 175 ang aplikante para lang sa 12 pwesto. Maging sa iba’t ibang posisyon sa gobyerno, ganun din ang eksena.

Sa dami ng naghahain ng sarili sa publiko, ‘di maiwasang magtanong ang mga botanteng Pilipino – ano nga ba ang pakay ng kanilang kandidatura?

Nakalulungkot isiping hindi barya ang gastusan sa tuwing halalan kaya naman malamang sa hindi, mahaba-habang bawian ng puhunan sa sandaling maluklok sa kapangyarihan.

Ang nakababahala ay ang katwiran ng ilan sa mga kandidato. Mayroong nagsasabing ang kanilang pagtakbo ay ang pigilan ang posibilidad ng pag-upo sa pwesto ng isang ­katunggaling mortal. Mayroon din namang hangad lang ay lumikom ng pera mula sa mga tagasuporta.

May kulang sa pansin, mayroon ding ang disgusto sa gobyerno ay idinadaan sa ­protestang paghahain ng kandidatura. Hindi naman mawawala ang mga payaso at mga ka-­apelyidong hangad ay areglo kapalit ng pag-atras nito. May pagkakataon din namang taktika lang ng mga politiko ang magtalaga ng isang taong ka-apelyido ng kanyang karibal sa pwesto.

Ano nga ba ang dapat basehan ng Commission on Elections (Comelec) sa pagpapasya kung sino lang ang pwede tumakbo? Kakayahang tustusan ang madugong kampanya ng halalan? Plataporma? Hitsura? Popularidad?

Sa isang banda, kakaiba ang isang party-list congressman sa kanyang adyenda sa pagtakbo bilang senador. Ani SAGIP Party-list Rep. Rodante Marcoleta, hangad niyang pigilan ang bagong prangkisa ng isang giant broadcast network na pag-aari ng isang pamilyang higit na kilala bilang oligarko. (Editor’s Note: Wala kaming pakialam sa mga oligarko dangan naman kasi pera lang ang interes ng mga ito)

Sa puntong ito, hindi kaya dapat nang ipabatid at ipaunawa ng Comelec sa mga kandidato ang mandato ng pwestong inaasinta nito?

Sa totoo lang, marami sa mga nakaupo na sa iba’t ibang posisyon sa gobyerno ang mistulang inutil, payaso, pasahurin at mayroon din namang sadyang naroon dahil sa misyong ­iniatang ng kanyang amo.

Hindi nakapagtatakang lahat gustong ­talunin ang mga trapo!

Read More