250 BAHAY SA DAVAO, NATUPOK

DAVAO City – Umabot sa 250 kabahayan ang natupok nang sumiklab ang sunog sa New Society Village sa Barangay Ilang sa lungsod na ito, nitong Miyerkoles ng madaling araw.

Ayon kay Davao City Fire District Spokesperson Senior Fire Officer 3 Ramil Gillado, nagsimula ang sunog sa Purok 3-B at 3-C, alas 2:30 ng umaga.

Sinabi ni Gillado, nagsimula ang sunog mula sa kisame ng bahay ni Ronaldo Barrio at agad na kumalat sa iba pang mga istruktura.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), halos pawang yari sa light materials ang mga bahay na nasa tabi ng dagat.

Tinatayang umabot sa P750,000 halaga ang natupok na mga ari-arian.

Nilinaw ni Gillado na walang nasawi o nasaktan sa nasabing sunog na tuluyang naapula dakong alas-4:32 ng umaga.

Inihayag ng BFP, agad nagsagawa ng balidasyon ang City Social Welfare and Development Office (CSWDO) para sa apektadong mga residente.

Ani ni Gillado, ang CSWDO na ang maghahanap “temporary shelter” ng apektadong mga pamilya. (DONDON DINOY)

215

Related posts

Leave a Comment