3 ARAW TOTAL GUN BAN IPATUTUPAD MULA SABADO

PAIIRALIN ang tatlong araw na total gun ban ng Philippine National Police (PNP) sa nasasakupan ng National Capital Region (NCR) kaugnay sa security preparation para sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ayon sa Permit to Carry Firearms Outside of Residence (PTCFOR) Secretariat, magsisimula ang gun ban sa Sabado at matatapos pagsapit ng hatinggabi ng Lunes, Hulyo 22, 2024.

“In accordance with the upcoming 3rd SONA 2024 of His Excellency President FERDINAND ROMUALDEZ MARCOS, JR. it has been announced that the PTCFOR will be SUSPENDED from 12:01 AM of July 20, 2024 until 12:00 MN of July 22, 2024 in NCR only,” ayon sa opisyal.

“This suspension is a precautionary measure to ensure public safety and security during the event,” dagdag pa ng PTCFOR Secretariat.

Magugunitang inisyal na inanunsyo ng PTCFOR Secretariat ang nationwide gun ban epektibo sa Hulyo 22 lamang subalit napagpasyahang palawigin ito.

Halos 22,000 pulis ang magbabantay sa SONA, ayon sa Philippine National Police (PNP) bukod pa sa inilaan na puwersa ng Armed Forces of the Philippine-Joint Task Force NCR at standby augmentation mula sa mga kalapit himpilan ng tatlong major service command ng Hukbo.

“Ang nakikita po natin last time po mga 22,000 na-deploy, ganun pa rin po. Unless we see may mga threats po, there will be more,” ani PNP chief Police General Rommel Marbil.

“Right now, we don’t see any threats but ang sinasabi ko, go signal ko, of course, you have to see yung inconvenience,” dagdag niya.

Inaasahan na na maglulunsad ng malakihang kilos protesta ang mga militanteng hanay na sadyang itataon sa SONA ng Pangulo na kinabibilangan ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan). (JESSE KABEL RUIZ)

307

Related posts

Leave a Comment