PRO-DUTERTE VLOGGER AT MANAGER NG MINING COMPANY ITINUMBA

PATAY sa pamamaril ang isang manager ng mining company at kilalang pro-Duterte vlogger nitong Linggo ng umaga sa CarCan, Surigao del Sur.

Nakilala ang biktima na si Philip M. Engbino, 48-anyos, may-asawa at residente ng Minglanilla, Cebu.

Si Engbino ay manager ng EZMMI GenCon ng Strong Group Mining Corporation (SGMC) at aktibo rin sa social media bilang isang pro-Duterte vlogger.

Sa ulat, minamaneho ni Engbino ang isang puting pick-up habang binabagtas ang national highway sa Barangay Bacolod, Carrascal, Surigao del Sur nang bigla itong pagbabarilin dakong alas-6:00 ng umaga.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Carrascal Municipal Police Station, nagtamo ng mga tama ng bala ang bahagi ng driver-side windshield ng Dongfeng pick-up na pagmamay-ari ng SGMC.

Ayon sa pulisya, bago ang insidente ay nakatanggap umano si Engbino ng mga reklamo at banta mula sa ilang empleyadong may kaugnayan sa pagtanggal o pagbabago sa ilang benepisyo ng mga manggagawa.

Napag-alaman din na noong Sabado, Oktubre 3, dakong alas-4:35 ng hapon, nakarekord sa kumpanya na lumabas si Engbino sa Gate 2 ng SGMC at siya mismo ang nagmamaneho ng sasakyan.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang motibo at mga responsable sa pamamaril.

(TOTO NABAJA)

44

Related posts

Leave a Comment