3 PANG DELTA VARIANT CASES NADAGDAG SA BULACAN

PITO na ang kabuuang kaso ng COVID-19 Delta variant sa lalawigan ng Bulacan matapos maitala ang panibagong tatlong kaso nitong Biyernes at inaasahang madadagdagan pa dahil sa bilis ng local transmission nito kasunod ng patuloy pang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa nasabing probinsiya.

Sa update datos ng Bulacan COVID-19 Provincial Task Force (PTF), ang tatlong bagong positive Delta variant ay mula sa bayan ng Pandi, Guiguinto at Lungsod ng Malolos habang ang naunang mga kaso ay mula naman sa San Ildefonso, Plaridel, Sta. Maria at Lungsod ng San Jose Del Monte.

Ayon kay PTF Response Cluster Head Dr. Hjordis Marushka Celis, patuloy ang isinasagawang contact tracing sa mga bagong Delta variant positive alinsunod sa mahigpit na direktiba ni Gobernador Daniel Fernando na agapan at higpitan ang mga hakbangin para sa preventive measures.

Nauna rito, ipinalalagay ng Bulacan PTF na ang mga bagong ng COVID-19 active cases ay buhat na sa Delta variant sanhi nang mabilis na pagtaas ng bilang sa nasabing lalawigan sa loob lamang ng halos dalawang linggo.

Nais din ni Fernando na i-apela sa national government na isailalim ang probinsiya sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) with some restrictions o kaya ay Modified ECQ with heightened restrictions.

Ngunit sa isinagawang emergency meeting kasama ang mga alkalde noong Biyernes, napagkasunduan na i-maintain na muna sa General Community Quarantine (GCQ) with heightened restrictions ang probinsya hanggang Agosto 15. (ELOISA SILVERIO)

135

Related posts

Leave a Comment