DAVAO DE ORO – Ang masayang salo-salo bunsod ng kaarawan ng isang batang lalaki ay nauwi sa lamay nang pagtatagain ng ama nito ang kanyang nanay sa loob mismo ng kanilang bahay sa bayan ng Maco sa lalawigang ito, noong Huwebes ng madaling araw.
Ayon sa ulat ng Maco Municipal Police Station, napatay sa pananaga ang 20-anyos na si Jelly Joy Coscos.
Habang hawak na ng mga awtoridad ang 28-anyos na live-in partner ng biktima matapos na sumuko sa kanilang barangay officials makaraan ang krimen.
Ayon sa pulisya, masayang nagdiriwang ang mag-asawa sa kaarawan ng kanilang anak, at nagkaroon din ng inuman kasama ang mga bisita at kamag-anak sa kanilang bahay noong Miyerkoles ng gabi.
Subalit nagkaroon ng pagtatalo ang mag-live-in bandang hatinggabi matapos umuwi na ang mga bisita. Dito umano nagbanta si Coscos na aalis sa kanilang bahay at isasama ang kanilang anak na lalaki.
Bunsod nito, nagwala ang suspek at biglang pinagtataga ang biktima sa likod, ulo, at iba pang bahagi ng katawan hanggang sa nalagutan ito ng hininga. (JESSE KABEL)
