NALAGASAN ng tatlong sundalo ang AFP Southern Luzon Command nang tambangan ng hinihinalaang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) nitong Linggo ng umaga sa bahagi ng Banquerohan, Legazpi City, Albay.
Ayon sa inisyal na ulat, pawang kasapi ng 31st Infantry Battalion, sa ilalim ng AFP Southern Luzon Command (SOLCOM), na pinamumunuan ni Lt. Gen. Antonio Parlade, ang napatay na mga sundalo.
Lumilitaw sa pagsisiyasat, makikipag-ugnayan ang mga sundalo sa kanilang PNP counterpart para sa pagpasok ng heavy equipment ng Sunwest Corporation kaugnay sa gagawing road opening mula sa Barangay Villahermosa patungong Barangay Bariis, Legazpi City, namg tambangan ng sampung miyembro ng Communist Terrorists Groups (CTGs).
Ayon naman kay 9th Infantry Division spokesperson. Capt. John Paul Belleza, lulan ng motorsiklo ang apat na sundalo na nakatalaga sa community support program, nang tambangan bandang alas-8:20 ng umaga.
Samantala, nasugatan ang isa pang sundalo na kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa pagamutan. (JESSE KABEL)
