KINIDNAP saka pinahirapan at ikinulong ang tatlong Chinese national at pagkaraan ay nasagip ng mga tauhan ng Manila Police District habang matimbog ang siyam na mga suspek sa magkakahiwalay na lugar sa Maynila, Parañaque City at Las Piñas City.
Kinilala ang mga biktimang sina Huang Weijie, 31, tubong Guangdong, China, pansamantalang tumutuloy sa Unit 10B Eton Green Belt, Parkview; Wang Quingjun, 36, ng Legaspi Village, at Nan Zonglie, 31, negosyante, residente sa Jazz Residence, pawang ng Makati City.
Samantala, ang arestadong mga suspek na sasampahan ng kasong kidnapping at serious illegal detention ay kinilalang sina Janan Matthew delos Santos, 21, helper; Gennis Abale, 35, driver; Esmeraldo Mahilum 58, taxi driver; Ariel Angeles, 37, driver/bodyguard; Reginaldo Borillo, 51; Philip Ryan, 29; Adonis Ceorio, 53; Yolito Aorza, 53, at Marsshan Jay Yabut, 22-anyos.
Base sa ulat ni P/Lt. Col. Evangeline Cayaban, station commander ng MPD-Station 5, na isinumite kay P/Brigadier General Leo “Paco” Francisco, District Director, ang operasyon ay isinagawa ng kanyang mga tauhan, bandang alas-11:15 ng gabi noong Mayo 18.
Nauna rito, nagawa umanong makatakas ni Huang mula sa kanyang mga kidnapper hanggang sa makita ito ng isang security guard habang naglalakad sa tapat ng isang condominium sa Malate, habang dala ang isang headboard kung saan nakaposas ang kanyang mga kamay.
Kaagad naman itong ipinagbigay-alam ng sekyu sa mga tauhan ni P/Capt. Ferdinand Sarmiento, block commander ng Remedios Police Community Precinct (PCP), sakop ng PS-5, kaya’t nagresponde ang mga awtoridad.
Isinalaysay ni Huang sa mga pulis na may isa pa siyang kasamahan na nakaposas din sa loob ng isang unit sa ikatlong palapag ng Westgrove Place sa #1868 LM Guerrero St. sa Malate.
Kaagad nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga pulis at natagpuan si Wang sa loob ng naturang unit, habang ang mga kamay at bukong-bukong ay nakaposas sa kama.
Habang nagsasagawa naman ng operasyon, isang security guard ang nagbigay ng impormasyon sa mga pulis na isang Ford Escape SUV na may plate number na ZTK-580, ang nagtangkang pumasok sa lugar, ngunit nagdalawang-isip nang makitang may police car sa loob.
Kaagad namang hinarang ng mga pulis ang naturang SUV sa Remedios St. sa Malate at inaresto ang tatlo sa mga suspek.
Sa interogasyon, umamin ang mga suspek na mayroon pa silang safehouse sa Parañaque City kung saan nasagip ng mga pulis si Nan na nakaposas din sa kama.
Narekober dito ang isa pang sasakyan at naaresto ang dalawa pang suspek.
Itinuro rin umano ng mga suspek ang isa pa nilang safehouse sa Las Piñas City kung saan umano matatagpuan ang kanilang boss.
Dito nila naaresto ang apat pang mga suspek ngunit nakatakas ang kanilang umano’y Chinese leader, na tinutugis na ng mga awtoridad.
Nabatid na ang mga biktima ay pawang may mga sugat sa katawan at mga paa at kamay na resulta umano ng pagpapahirap sa kanila ng mga suspek.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, sindikato ang nasa likod ng pagdukot sa naturang mga Tsino na nagtatrabaho sa Metro Manila.
Narekober mula sa mga suspek ang ilang baril at mga bala, gayundin ang dalawang sasakyan at iba’t ibang uri ng cellular phones. (RENE CRISOSTOMO)
182 