NAKIPAGPULONG ang pamahalaang lungsod ng Caloocan sa pangunguna ni Mayor Oca Malapitan, sa pamunuan ng ilang mga pribadong ospital sa lungsod hinggil sa isinasagawang COVID-19 mass vaccination program.
Layunin ng pagpupulong na hingin ang tulong at hikayatin ang mga doktor at iba pang health workers, partikular na sa mga pribadong ospital, na boluntaryong makiisa sa mass vaccination program ng lungsod upang mas mapabilis ang pagbabakuna sa mamamayan.
Kabilang sa mga nag-commit para umagapay sa mass vaccination program ay ang Nodado General Hospital – 3 MDs (including Dr. Olivia Favor) and 3 RNs; MCU – Nursing Service Office – 4 RNs; Dr. Sentero of Our Lady of Grace Hospital; Camarin Doctors Hospital, at PCCI, Caloocan City Filipino-Chinese Chamber of Commerce medical team.
“Ngayon pa lamang ay nagpapasalamat na po ako, sampu ng mga taga-Caloocan, para sa mga nagpaabot ng kanilang commitment para sa ating programa. Maraming maraming salamat sa hindi matatawarang serbisyo at sakripisyo bilang mga makabagong bayani ng bayan,” pahayag ng alkalde.
“Nasa 1.2 milyon ng ating populasyon ang kinakailangan po natin mabakunahan sa Caloocan. Mas mabilis po natin itong matatapos kung kasama namin kayo, tulong-tulong tayo, nang sa gayon ay tuluyan nang matuldukan ang pandemyang ito,” aniya.
Nanawagan din siya sa mga doktor at iba pang health workers na interesadong makiisa sa mass vaccination program na bukas ang Caloocan LGU para sa kanilang tulong at suporta. Maaaring makipag-ugnayan sa City Health Department na may numerong 09478834430 / 09772393931. (FRANCIS SORIANO)
213 