TINITINGNAN ngayon ng Pambansang Pulisya ang koneksyon ng nakumpiskang pera sa Mactan-Cebu International Airport sa ransom na ibinayad ng pamilya ni Anson Que.
Nauna nang naharang noong Biyernes ng gabi ang siyam na indibidwal na kinabibilangan ng dalawang Pinoy at pitong dayuhan bitbit ang pitong bag na puno ng pera.
Sa ulat, sasakay ng isang chartered flight mula sa MCIA patungong Manila ang mga suspek nang madiskubre sa X-ray machine na pera ang nilalaman ng kanilang bag dakong alas-9:00 ng gabi dahilan upang makipag-ugnayan ang Aviation Security Unit sa Police Regional Office-Central Visayas (PRO-7).
Sa paunang imbestigasyon ng mga otoridad, nangatwiran ang mga naaresto na nanalo sila sa casino, pero hindi umubra ang kanilang palusot.
Ayon sa PNP, nagpakita ang mga naaresto ng certification na napanalunan nila ang nakumpiskang pera sa casino at ang White House Club ang nagsilbing mediator.
Matatandaan na dalawang casino junket operators ang hinubaran ng maskara ng PNP kabilang ang White House Club at 9 Dynasty Group kung saan ang nasa likod ay isang Mark Ong.
(TOTO NABAJA)
