4 hindi pala sumakay MISSING SA MV JUNE ASTER, 8 NA LANG

WALONG pasahero na lamang ng nasunog na MV June Aster, ang target ng search, rescue at retrieval operation matapos na makumpirma na apat sa mga nawawala ay hindi pala nakasakay sa nasunog na ferry sa Coron, Palawan.

Dahil dito, inihayag kahapon ng Philippine Coast Guard na bumaba na sa walo ang bilang ng mga nawawala sa trahedya ng MV June Aster matapos makumpirma na apat sa mga nasa passenger manifest ay hindi pala nakasakay sa barko sa Baseco Port sa Tondo, Maynila.

Ayon kay PCG spokesperson, Commodore Noemie Cayabyab, tatlo sa apat na pasahero ang nagkamali ng booking at nakakuha ng tiket mula Manila patungong Coron gayong Coron-to-Manila sana ang kanilang biyahe.

Ang ikaapat naman ay nakabili ng ibang tiket at nakabiyahe na patungong Coron sakay ng ibang passenger vessel noong Setyembre 5.

Personal na nahanap at nakumpirma ng PCG na ligtas ang apat at hindi nakasakay sa nasunog na barko, dahilan upang baguhin ang dating bilang na 12 nawawala.

Samantala, umakyat sa 77 ang bilang ng mga nasawi matapos mamatay sa ospital ang isa sa mga unang nailigtas mula sa nasunog na barko.

Sa pinakahuling tala, sinabi ng PCG na 128 katao ang aktuwal na sakay ng MV June Aster — 77 ang nasawi, 43 ang nakaligtas at walo ang nananatiling nawawala.

Patuloy na bineberipika ng PCG at pinagsasama-sama ang mga passenger information bilang bahagi ng nagaganap na pagtukoy sa mga nakatala sa ticket manifest ng barko.

(JESSE RUIZ)

76

Related posts

Leave a Comment