TELESERYE NA PAGPAPALIBAN SA BSKE

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

NASA cloud nine na naman ang mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK). Sarap ng tulog, panalo ang diskarte. Paano ba naman, isang lagda na lang, dalawang taon pa ang idaragdag sa kanilang termino—ginawang limang taon mula sa dating tatlo, at ngayon ay pinalawig pa mula sa apat.

Ayan, aprubado na sa Senado ang panukalang magpapahaba ng kanilang pag-upo, kasunod ng bersyon ng Kamara noong nakaraang linggo. Kasama pa rito ang pagpapaliban ng Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) mula Nobyembre 2026 patungong Nobyembre 2028.

Kung ang mga nakaupo ay nasa ikapitong langit sa kanilang happy days, ngitngit naman ang nararamdaman ng taumbayang sawa na sa paulit-ulit na pagpapaliban ng eleksyon. Sabi nga, isang taon pa lamang mula nang maisabatas ang apat na taong termino, heto na naman at binabago na agad. Hindi pa nga subok, papalitan na.

Ano ba naman itong sistema natin? Halos P8 bilyon na ang nagamit ng Commission on Elections (Comelec) para sa mga paghahanda. Sayang na sayang ang pondo ng bayan na nauwi lang sa wala dahil sa biglang atrasan.

Pero higit sa pera, ang pinakamalaking isinakripisyo ay ang karapatan nating pumili. Sabi nga ni ML Party-list Rep. Leila de Lima, sa panahon ng krisis, hindi ang karapatang bumoto ang dapat unang isinusuko. Hindi ito hiram na pribilehiyo na basta-basta na lang ipinagpapaliban kung kailan maginhawa sa mga nakaupo.

Apektado rin ang mga kabataan. May mga gustong sumabak at magsilbi na mawawalan ng pagkakataon dahil sa limitasyon sa edad, habang ang mga kasalukuyang opisyal na lampas na sa edad ng SK ay sitting pretty pa ring nakaposisyon. Paulit-ulit na ipinagkakait sa mamamayan ang pagkakataong magrebyu at maghalal ng mga tunay na lider.

Kapag nasanay ang mga mambabatas sa ganitong kalakaran, baka mamaya ay maging bisyo na ang pagpapaliban. Naku, baka magustuhan na rin nila ang ideya. Kung tutuusin, bakit kaya hindi na rin nila ipagpaliban ang national elections sa 2028 para pati ang kanilang mga termino bilang senador at kongresista ay humaba pa?

Sa ngayon ay umaasa ang marami kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ayon sa Malacañang ay rerepasuhin muna ang mga probisyon bago pumirma. Dapat lang! Dahil kung hindi, baka masanay ang sistema na ang boses ng taumbayan ay kayang patahimikin ng isang pirma at ilang taong ekstensyon.

80

Related posts

Leave a Comment