APAT na indibidwal na umano’y tulak ng ilegal na droga ang arestado sa buy-bust operation ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Manila Police District-Sampaloc Police Station 4, at nasamsam ang mahigit P3 milyong halaga ng umano’y shabu sa Makiling Street, Barangay 497, Zone 49, Sampaloc, Manila.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Tisoy”, 32; “Moymoy”, 29; “JM”, 24, at “Loloy”, 25, pawang mga residente ng Sampaloc, Manila.
Ayon sa ulat ni Police Major Gil John Lobaton, hepe ng SDEU, kay Police Lieutenant Colonel Brillante Billaoac, station commander, bandang alas-9:10 ng gabi nang ikasa ng mga awtoridad ang operasyon sa nasabing lugar na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang 500 gramo ng hinihinalang shabu na katumbas ng halagang P3,400,000.
Nakuha rin mula sa mga suspek ang isang puting Honda PCX motorcycle na ginamit nila sa transaksyon.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng Article II ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (RENE CRISOSTOMO)
