(BERNARD TAGUINOD)
PINANGANGAMBAHAN ng isang mambabatas sa Kamara na lalong lalala ang vaccine hesitancy dahil sa kautusan ng Department of Health (DOH) sa mga local government unit (LGUs) na ilihim sa publiko ang brand ng bakuna sa kani-kanilang vaccination sites.
Ayon kay Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, lalong magdadalawang-isip ang mga tao na pumunta sa vaccination sites kapag hindi nila alam kung anong bakuna ang ituturok sa kanila.
“Vaccine hesitancy won’t be solved by giving the people more reasons to be hesitant. This kind of lousy policy-making denies the people the right to know and the right to choose which vaccines they will get,” ani Brosas.
Bago ang kautusang ito ng DOH na sinegundahan ng Department of Interior and Local Government (DILG), sumugod ang maraming tao sa isang vaccination site matapos malaman ng mga ito na Pfizer ang ituturok na bakuna.
Dahil dito, hindi na nasunod ang health protocols dahil sa dami ng mga tao kaya nagpasya ang DOH at DILG na ilihim na lamang ang brand ng bakuna.
“Sa dami ng kapalpakan ng gobyerno at dahilan para di magtiwala sa COVID-19 response nito, bakit dadagdagan pa natin ang pag-aalinlangan ng mamamayan sa bakuna?” ayon pa sa mambabatas.
51 porsiyento
Base sa pag-aaral ng Social Weather Station (SWS) kamakailan, mahigit kalahati ng populasyon o nasa 51 percent ng mga Filipino ang nagtitiwala sa vaccination program ng gobyerno laban sa COVID-19.
Ayon sa survey, ang nasabing bilang ay kinabibilangan ng 18 percent na “very confident” habang 34 naman ang medyo kampante o moderate.
Ang natitirang 31 percent ay hindi tiyak habang 17 percent ang hindi kumpiyansa sa nasabing programa.
Inilunsad ang survey mula Abril 28 hanggang Mayo 2 kung saan tinanong ang mga ito kung magpapaturok ba sila ng COVID-19 vaccine na aprubado ng Food and Drug Administration.
Nakapagtala ng mas mataas na kumpiyansa ang Mindanao na nasa 58%, sumunod ang Visayas (55%), Metro Manila na may 49 bahagdan habang ang nalalabing bahagi ng Luzon ay may 47 porsyento, base pa rin sa ginawang SWS evaluation. (May dagdag na ulat si JESSE KABEL)
309 