INAPRUBAHAN ng gobyerno ang panukalang iprayoridad ang COVID-19 vaccination sa mga atletang Filipino at opisyal bago pa magtungo ang mga ito sa Tokyo Olympics at Southeast Asian Games.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na pinapayagan ng Inter-Agency Task Force ang maagang pagbabakuna sa mga magiging kinatawan ng Pilipinas sa dalawang nabanggit na sport major sporting events.
Sa ulat, umapela si Senate Committee on Sports chairman, Senator Christopher “Bong” Go sa pamahalaan na tiyaking mababakunahan ang mga kuwalipikadong miyembro ng Team Philippines na sasabak sa Summer Olympics sa Tokyo City, Japan at Southeast Asian Games sa Hanoi City, Vietnam sa July-August at November-December, ayon sa pagkakasunod.
“Ang tagumpay nila ay tagumpay rin ng buong bansa. Hirap na hirap na ang ating mga kababayan pero subukan nating bigyan ang taumbayan ng rason na magkaroon ng pag-asa at magkaisa,” ayon kay Go.
“Marami rin po ang naghihirap sa ating mga atleta at tatandaan natin na bukod sa pagrepresenta sa ating bansa, lahat po sila ay may mga pamilya rin pong pinapakain at binubuhay. Ang pagbabakuna sa kanila ay hindi lang bilang suporta sa ating mga atleta, kundi suporta rin upang maiangat muli ang kanilang kabuhayan,” aniya pa.
Nauna rito, tinalakay ni Go ang kanyang apela kina vaccine czar Carlito Galvez, Jr. at Health Secretary Francisco Duque III at nangako ang dalawang opisyal na ilalagay sa priority list ang mga kuwalipikadong atleta.
Sinabi ng senador na bandila ng Pilipinas at dangal ng lahing Filipino ang bitbit ng ating mga atleta sa mga nasabing palarong kaya dapat lamang na bigyan din sila ng sapat na proteksyon.
Ginunita ni Go na noong nakaraang 2019 SEA Games, naging kampeon ang Team Pilipinas dahil sa suporta ng buong sambayanang Filipino.
Nagkaisa ang gobyerno, pribadong sektor, at ordinaryong Pilipino para sa mga atleta.
Ayon sa PSC aat POC, inaasahan na bubuuin ng 100 miyembro ang delegasyon ng bansa para sa Olympics. May 1,500-strong delegation ng bansa ang kalahok sa SEA Games. Ang mga ito ay kinabibilangan ng atleta, coaches, team officials at iba pa. (CHRISTIAN DALE)
149 