6.3 KILO NG SHABU NASABAT SA ROMANIAN NATIONAL

NASABAT ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mahigit 6.3 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P43 milyon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Pasay City nitong Lunes, na nagresulta sa pagkakaaresto sa isang 65-anyos na Romanian national.

Ayon sa magkasanib na pahayag ng BOC at PDEA, isinagawa ang operasyon dakong alas-6:17 ng umaga sa Customs Secondary Inspection Area ng Customs International Arrival Area matapos matukoy ang hinihinalang ilegal na droga sa naka-check-in na bagahe ng pasaherong dumating mula Vietnam.

Umabot sa 6,364 gramo ang nakumpiskang hinihinalang shabu na nakasilid sa 36 transparent plastic sachet. Itinago ang mga ito sa loob ng mga supot na plastic foil, binalot at sinelyuhan ng tape, saka isinama sa mga personal na gamit ng pasahero.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Pavel,” isang 65-anyos na Romanian national at retiradong manggagawa sa pabrika.

Binigyang-diin ni District Collector Maria Yasmin Mapa ang kahalagahan ng masusing inspeksyon at koordinasyon ng mga law enforcement unit sa paliparan upang matukoy ang mga ilegal na substansiyang itinatago sa mga bagahe ng mga pasahero.

Pinangunahan ang operasyon ng NAIA-IADITG/AIU 1, katuwang ang PDEA Regional Office–National Capital Region (PDEA RO-NCR), BOC-Customs Anti-Illegal Drugs Task Force (CAIDTF), PNP Aviation Security Group (AVSEGROUP), Airport Police Department (APD), PNP Drug Enforcement Group (DEG), National Bureau of Investigation (NBI), Bureau of Immigration (BI), at Office for Transportation Security (OTS).

Nasa kustodiya na ng mga kinauukulang awtoridad ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensiya para sa kaukulang dokumentasyon, pagsusuri sa laboratoryo at iba pang proseso.

Nahaharap ang suspek sa mga kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

(JESSE RUIZ)

27

Related posts

Leave a Comment