LCSP ITINUTULAK PAGTAAS NG DEATH BENEFIT SA CTPL

ISINUSULONG ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) ang pagtaas ng death benefit sa Compulsory Third Party Liability (CTPL) insurance ng mga sasakyan at ang pagbabago sa sistema ng pagbibigay ng benepisyo upang maging per person sa halip na per accident.

Ayon kay LCSP founder Atty. Ariel Inton, hindi makatarungan na magkaiba ang halaga ng death benefit na natatanggap ng mga biktima ng aksidente gayong pareho lamang ang pinsalang kanilang dinaranas, pasahero man o pedestrian.

Bilang halimbawa, ipinaliwanag ni Inton na kung mawalan ng preno ang isang pampasaherong bus at bumangga sa pader, na ikinasawi ng 10 pasahero at apat na pedestrian, magkakaiba ang matatanggap na benepisyo ng mga pamilya ng mga nasawi.

Sa ilalim ng All-Risk No-Fault Personal Passenger Accident Insurance (PPAI), may death benefit na P400,000 ang bawat namatay na pasahero. Dahil dito, makatatanggap ng tig-P400,000 ang pamilya ng bawat isa sa 10 nasawing pasahero.

Samantala, ang apat na pedestrian ay saklaw ng CTPL na may coverage na P200,000 per accident. Dahil paghahatian nila ang kabuuang halaga, P50,000 lamang ang matatanggap ng pamilya ng bawat nasawi.

Kinuwestiyon ni Inton ang malaking pagkakaiba sa benepisyo sa kabila ng pareho lamang na buhay ang nawala sa insidente.

Ipinaliwanag niya na magkaiba ang legal na batayan ng dalawang uri ng insurance. Ang PPAI ay nakabatay sa kontrata sa pagitan ng pasahero at public transport operator, kung saan may obligasyong magpatupad ng extraordinary diligence upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.

Samantala, ang CTPL ay sumasaklaw sa mga third party gaya ng mga pedestrian na walang kontraktuwal na ugnayan sa driver. Sa ganitong mga kaso, ang pananagutan ay nakabatay sa quasi-delict at ordinary diligence.

Dahil dito, mas mataas ang premium na binabayaran para sa PPAI kumpara sa CTPL, na kadalasang kinukuha bilang kinakailangang insurance sa pagpaparehistro o renewal ng sasakyan.

Gayunman, iginiit ni Inton na hindi dapat maging dahilan ang pagkakaiba ng insurance coverage upang hindi pantay ang benepisyong matatanggap ng mga biktima.

Kaya naman, iminungkahi ng LCSP na itaas ang death benefit sa CTPL at gawing per person ang coverage sa halip na per accident upang matiyak na may nakalaang benepisyo para sa bawat nasawi.

Aminado ang grupo na maaaring tumaas ang premium na babayaran ng mga may-ari ng sasakyan, ngunit katumbas naman nito ang mas malaking proteksiyong maibibigay sa mga biktima at kanilang pamilya.

Binigyang-diin ni Inton na pareho ang halaga ng buhay ng pasahero at pedestrian na nasawi sa isang aksidente at nararapat lamang na maging patas ang kanilang matatanggap na benepisyo.

26

Related posts

Leave a Comment