NAGPAHAYAG ng pagkabahala si Davao City 1st District Representative Paolo “Pulong” Duterte sa ulat na pinagbabantaan umano ang buhay ng dating household staff ni Vice President Sara Duterte at hinihinalang nasa kustodiya ng ilang indibidwal.
Ayon kay Duterte, kung totoo ang mga sumbong, seryosong usapin ito na may kinalaman sa kaligtasan at karapatan ng dating empleyado ng Bise Presidente.
Kasunod ito ng pahayag ni Atty. Paolo Panelo, legal spokesperson ni VP Sara, na nakatanggap umano ang Bise Presidente ng mensahe mula sa dating household staff na humihingi ng tulong dahil nasa kustodiya o kontrol umano ito ng ilang indibidwal at pinagbabantaan ang buhay.
Inihalintulad din ni Duterte ang insidente sa nangyari kay Jefry Tupas noong Setyembre 29, 2026, at sinabing may pagkakatulad ang dalawang pangyayari na nangangailangan ng agarang paglilinaw.
“What makes this incident particularly concerning is its striking similarity to what happened to Jefry Tupas, who was previously told by agents of the National Bureau of Investigation on September 29, 2026, that there were threats to his life and was subsequently subjected to an attempt to bring him to Manila,” pahayag ni Duterte.
Iginiit ng kongresista na kung may kinalaman ang National Bureau of Investigation (NBI) o iba pang ahensiya ng pamahalaan, dapat malinaw sa publiko ang kanilang naging papel at panagutin ang sinomang mapatutunayang may pananagutan.
Binigyang-diin din niya na hindi dapat gamitin ang mga institusyon ng pamahalaan bilang sandata sa pulitika.
Samantala, nagpahayag din ng pangamba ang kampo ni VP Sara na maaaring bahagi ang insidente ng umano’y walang tigil na kampanya ng administrasyong Marcos laban sa Bise Presidente sa pamamagitan ng paggamit sa mga institusyon ng estado.
“We are deeply concerned that this incident may be part of what we believe to be a relentless campaign by the Marcos administration, utilizing state institutions like the NBI, against the Vice President,” saad sa pahayag.
Sa oras ng paglalabas ng pahayag, hindi pa batid ang kinaroroonan ng dating household staff at hindi pa rin nakukumpirma ang kaligtasan at tunay na kalagayan nito.
PBBM Dedma sa ‘Intriga’
Hindi naman pinag-aksayahan ng panahon ng Malacañang ang mga alegasyon ng kampo ni Vice President Sara Duterte kaugnay ng umano’y pagbabanta sa buhay ng dating household staff ng Bise Presidente, dahil nakatuon si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga usaping pang-ekonomiya at pagpapalakas ng ugnayang panlabas ng bansa.
Ito ang naging tugon ni Palace Press Officer at PCO Undersecretary Atty. Claire Castro sa pahayag ni Atty. Paolo Panelo, legal spokesperson ni VP Sara, na nakatanggap umano ang Bise Presidente ng mensahe ng paghingi ng tulong mula sa account ng isang dating household staff bandang alas-11:19 ng gabi nitong Nobyembre 16, 2026.
Ayon kay Castro, abala ang Pangulo sa pagtatrabaho para sa kaunlaran ng bansa at pagpapalakas ng ugnayan sa mga kasaping bansa ng ASEAN at mga dialogue partner nito.
Kabilang sa mga pangunahing tinututukan ni Marcos ang pagpapabuti ng ekonomiya, paghahanap ng solusyon sa usapin ng enerhiya, at pagpapalakas ng mga sektor ng teknolohiya, agrikultura at edukasyon.
Sinabi rin ni Castro na hindi gawain ng Pangulo ang patulan ang mga intriga at iginiit na ang paggawa ng intriga at pagtatanim ng ebidensya ay iniuugnay niya sa administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Ang pag-iimbestiga sa nasabing kuwento kung may katotohanan ay nararapat lamang,” dagdag ng opisyal.
(CHRISTIAN DALE)
167 