WELCOME development para kay Senate Deputy Minority Leader Sen. Risa Hontiveros ang desisyon ng Korte Suprema na ideklarang unconstitutional ang probisyon sa Magna Carta of Filipino Seafarers na nag-aatas sa mga marino na mag-post ng bond bago makuha ang danyos na iginawad sa kanila matapos manalo sa kaso.
Ayon kay Hontiveros, sa wakas ay naalis na ang isang pabigat na matagal nang kinukuwestiyon ng mga seafarer dahil hindi makatarungang obligahin silang maglabas pa ng karagdagang pera bago matanggap ang danyos na napanalunan nila.
Binigyang-diin ng senadora na lalong nagpapahirap ang naturang requirement sa mga manggagawang kapos na nga sa pinansiyal, lalo na sa mga nangangailangan ng agarang pambili ng gamot at iba pang pangunahing pangangailangan.
Ipinaalala rin ni Hontiveros na tinutulan niya ang nasabing probisyon sa Senado at bumoto laban sa ratipikasyon nito nang ibalik ang panukala sa bicameral conference committee.
Matagal na aniyang nanindigan ang kanyang tanggapan na hindi patas at posibleng labag sa Konstitusyon ang naturang requirement.
Pinasalamatan din niya ang mga marinong nagsulong ng laban mula sa Kamara at Senado hanggang sa Korte Suprema.
Ayon kay Hontiveros, tagumpay ito ng mga seafarer at bahagi ng patuloy na pakikibaka para sa karapatan at kapakanan ng mga manggagawang Pilipino.
(DANG SAMSON-GARCIA)
41 