BAGONG PAG-ASA NG CUSTOMS KAY MENDOZA

On the Level ni JUNEX DORONIO

SA gitna ng patuloy na hamon sa ekonomiya, problema sa smuggling, katiwalian at kakulangan ng tiwala ng publiko sa ilang ahensya ng pamahalaan, isang bagong pangalan ang inaasahang magbibigay ng panibagong sigla at direksyon sa Bureau of Customs (BOC): si Atty. Charlito Martin R. Mendoza.

Hindi maliit na hamon ang kanyang tinanggap. Ang Customs ay isa sa pinakamahahalagang ahensya ng pamahalaan dahil malaki ang papel nito sa pagkolekta ng kita, pangangalaga sa hangganan ng bansa at pagpigil sa pagpasok ng mga kontrabando at ilegal na produkto.

Ngunit higit sa lahat, kailangan ng Customs ang isang lider na hindi lamang mahusay sa numero at koleksiyon kundi may paninindigan sa paglilinis ng institusyon.

May sapat na dahilan upang maging optimistiko sa pag-upo ni Mendoza bilang bagong Customs Commissioner.

Hindi na siya estranghero sa mundo ng revenue collection. Bago ang kanyang bagong tungkulin, pinamunuan niya ang Bureau of Internal Revenue (BIR), kung saan naipakita niya ang kakayahang maghatid ng resulta kahit mahirap ang kalagayang pang-ekonomiya.

Sa ilalim ng kanyang pamumuno, nakapagtala ang BIR ng P2.814 trilyong gross revenue collection mula Enero hanggang Oktubre 2026. Mas mataas ito ng P149.86 bilyon o 5.63 porsyento kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Kapansin-pansin ang resultang ito dahil nangyari sa panahong mabagal ang paglago ng ekonomiya at maraming Pilipino ang nahihirapang pagkasyahin ang kanilang kinikita.

Hindi rin dapat kalimutan na ang pamumuno ay hindi lamang nasusukat sa laki ng nakokolektang buwis. Mahalaga rin ang malasakit sa mga ordinaryong mamamayan at negosyanteng nagsisikap sumunod sa batas.

Ito ang isang mahalagang aral na maaaring dalhin ni Mendoza sa Customs: maging matatag sa pagpapatupad ng batas ngunit makatarungan sa pakikitungo sa mga lehitimong negosyante at importer.

Sa BOC, kailangang tapusin ang mga gawaing nagpapabagal sa paglabas ng mga produkto sa pantalan. Dapat ding labanan ang smuggling, undervaluation, technical smuggling at anomang uri ng korupsiyong nagpapahina sa kakayahan ng pamahalaan na kumolekta ng tamang buwis at taripa.

Hindi dapat maging negosyo ng iilang tiwaling opisyal ang pagpasa ng mga kargamento. Ang pantalan ay hindi dapat maging lugar kung saan mas pinapaboran ang may koneksyon kaysa sumusunod sa proseso.

Mahalaga ring ipagpatuloy ang mga repormang nasimulan ng kanyang predecessor na si Ariel Nepomuceno. Ang tunay na lider ay hindi basta nagpapalit ng programa dahil lamang iba na ang nakaupo. Pinagbubuti niya ang mga epektibong reporma at itinatama ang mga pagkukulang.

Ang paghirang kay Mendoza ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay pagkakataong patunayan na ang tamang karanasan ay maaaring magbunga ng mas mahusay na serbisyo publiko.

Sa huli, hindi sapat ang mataas na koleksiyon kung nananatiling talamak ang smuggling at korupsiyon. Hindi rin sapat ang magagandang pangako kung walang konkretong pagbabago sa pantalan.

Ang inaasahan ng sambayanan ay isang Customs na mahusay, malinis, mabilis at patas.

Mendoza now has the opportunity to prove that leadership with competence and integrity can make a difference.

Sa bagong pamumuno, umaasa tayong hindi lamang kita ng gobyerno ang tataas kundi pati tiwala ng mamamayan.

Noong kasagsagan ng pandemya, matagumpay na napamunuan ni Mendoza ang BOC Port of Cebu bilang district collector nito at nakadaupang-palad natin siya. Sana natatandaan pa niya.

Iyan ang tunay na bagong pag-asa ng Customs.

***

Sa reaksyon, email doroniojunex777@gmail.com

56

Related posts

Leave a Comment