SPEAKER DY, TINANGGAP MGA PINUNO NG AIPA BAGO ANG IKA-47 GENERAL ASSEMBLY

TINANGGAP ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ang mga pinuno ng delegasyon ng mga parliyamento sa Timog-Silangang Asya at mga opisyal ng ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA) sa isang courtesy call nitong Martes, Nobyembre 17, sa Makati Shangri-La, isang araw bago ang pormal na pagbubukas ng 47th AIPA General Assembly.

Bilang pangulo ng AIPA, sinalubong ni Dy sina Brunei Darussalam Legislative Council Speaker Pehin Dato Abdul Rahman Taib, Cambodian National Assembly President Khuon Sudary, Indonesia House of Representatives member Amelia Anggraini, Lao PDR National Assembly President Sonexay Siphandone, at Malaysian House of Representatives Speaker Tan Sri Dato’ Dr. Johari bin Abdul.

Dumalo rin sina Singapore Parliament Speaker Seah Kian Peng, Thailand National Assembly President Sophon Zaram at Viet Nam National Assembly Vice President Nguyen Doan Anh.

Kasama rin sa courtesy call sina House Senior Deputy Speaker Ferdinand L. Hernandez, Deputy Speaker Maria Rachel J. Arenas at AIPA Secretary-General Dr. Chem Widhya.

Pilipinas ang punong-abala sa General Assembly ngayong taon na may temang “Parliaments Securing a Peaceful, Prosperous, and People-Centred ASEAN.”

Nakatakda ang opening ceremony sa Miyerkules, Nobyembre 18, sa Rizal Ballroom ng hotel, kung saan maghahatid ng keynote address si Speaker Dy.

Itinatag sa Maynila noong 1977 bilang ASEAN Inter-Parliamentary Organization, pinalitan ng AIPA ang pangalan nito noong 2007 at kinilala sa ilalim ng ASEAN Charter bilang isang entity associated with ASEAN.

Nagsisilbi itong plataporma ng mga lehislatura sa Timog-Silangang Asya upang magpalitan ng pananaw, bumuo ng magkakatulad na paninindigan sa mga usaping panrehiyon at maihatid ang pananaw ng mga parliyamento sa kooperasyon ng mga bansang ASEAN.

Bilang pinakamataas na decision-making body ng AIPA, tatalakayin sa General Assembly ang mga usaping pampulitika, pang-ekonomiya, panlipunan at organisasyonal, gayundin ang pakikipagdayalogo sa mga observer parliament.

Magtatapos ang pagpupulong sa Biyernes, Nobyembre 20, sa pamamagitan ng paglagda sa joint communiqué at paglilipat ng pamumuno sa AIPA sa Singapore.

47

Related posts

Leave a Comment