PUBLIC PARKS PINADARAGDAGAN PARA SA LUNTIANG KOMUNIDAD

ISINUSULONG ni Senador Loren Legarda ang pagkakaroon ng mas maraming pampublikong parke at luntiang espasyo sa mga komunidad, lalo na sa mga lugar na kulang sa ligtas at madaling mapuntahang pasyalan para sa mga bata at residente.

Ayon kay Legarda, dahil sa kakulangan ng mga pampublikong parke, napipilitan ang maraming Pilipino na magtungo sa mga mall at pribadong establisimyento upang makapaglibang, mag-ehersisyo at makapagsama-sama.

Batay sa 2020 Census of Population and Housing ng Philippine Statistics Authority (PSA), 10,191 lamang sa kabuuang 42,046 barangay sa bansa, o 24.24 porsiyento, ang may pampublikong plaza o parke para sa libangan.

Dahil dito, isinusulong ni Legarda ang Senate Bill No. 516 o ang panukalang National Parks Act of 2025, na naglalayong magtatag ng Philippine National Public Parks System at palakasin ang pagpapaunlad, pamamahala at akses sa mga pampublikong parke sa buong bansa.

Naghain din ang senadora ng Senate Resolution No. 766 upang siyasatin kung sapat at madaling mapuntahan ang mga kasalukuyang parke, gayundin kung paano makapagtatayo ng mas maraming luntiang espasyo sa mga komunidad na higit na nangangailangan nito.

Maaari ring magsilbing batayan ang resulta ng pag-aaral sa pagsusulong ng mga karagdagang reporma sa batas, kabilang ang panukalang National Parks Act.

(DANG SAMSON-GARCIA)

26

Related posts

Leave a Comment