SANAOL HINDI MAKAPAL ANG MUKHA

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

NAPA-SANAOL na naman ang marami nang magbitiw sa puwesto ang bise presidente ng Indonesia sa gitna ng kontrobersiya tungkol sa kanyang kwalipikasyon. At muling napaisip ang mga netizen kung bakit tila magkaiba ang pamantayan ng pananagutan ng mga opisyal ng pamahalaan sa ibang bansa at sa Pilipinas.

Sa ibang bansa kasi, may mga opisyal na pinipiling bumaba sa puwesto kapag nasasangkot sa kontrobersiyang nakaaapekto sa tiwala ng publiko. Sa Pilipinas naman, parang parte na ng buhay-pulitika ang masangkot sa mabibigat na alegasyon ng korupsyon, pandaraya at iba pang iregularidad. Kahit lantaran nang kinukuwestiyon ang kanilang panunungkulan at hinihingan ng paliwanag, may mga opisyal na ayaw pa ring bumitaw sa kapangyarihan.

Nagbitiw si Indonesian Vice President Gibran Rakabuming Raka kasunod ng kontrobersiya sa kanyang mga kwalipikasyon partikular sa kanyang edukasyon. Para sa ilan niyang mga kababayan, walang ‘k’ as in hindi karapat-dapat sa posisyon si Raka dahil hindi sapat ang kanyang edukasyon. Tinanggap naman ni President Prabowo Subianto ang kanyang pagbibitiw at pinuri ang desisyon bilang pagsasaalang-alang sa kapakanan ng bansa.

Siyempre, hindi nangangahulugang dapat agad magbitiw ang isang opisyal sa tuwing may ibinabatong akusasyon laban sa kanya. May karapatan ang bawat isa sa due process at pagkakataong ipagtanggol ang sarili. Ngunit hindi rin dapat gamitin ang prinsipyong ito upang takasan ang pananagutan, lalo na kung ang kontrobersiya ay patuloy nang nakaaapekto sa tiwala ng publiko.

Eh bakit nga ba sa Pilipinas hindi uso ang magbitiw kapag nasabit sa kontrobersya? Kasalanan ba ito ng mga politikong ayaw bumitaw sa kapangyarihan, o may bahagi rin ang taumbayan na patuloy na nagpapahintulot sa ganitong kalakaran?

Hindi maikakaila na may pananagutan ang mga botante. Sa bawat halalan, tungkulin nilang suriin ang rekord at integridad ng mga kandidatong pinagkakatiwalaan nila.

Hindi personal na pag-aari ang posisyon sa pamahalaan. Tiwala itong ipinagkaloob ng mamamayan kaya kung may responsibilidad ang mamamayan sa pagpili, dapat maging responsable rin ang mga inihahalal. Huwag sanang mapa-sanaol na lang tayo palagi.

Higit sa paghanga, panahon na ring maging mas mapanuri ang mga botante. Hangga’t hindi nagiging mahalagang pamantayan sa pagpili ng mga lider ang integridad at pananagutan, mananatiling mahirap baguhin ang ganitong kalakaran sa ating pulitika.

47

Related posts

Leave a Comment