(NI CHRISTIAN DALE)
MAGLALABAS si Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng “intelligence report” mula sa ibang bansa na nagpapakita ng umano’y koneksyon ng mga human rights groups sa mga hakbang para siya ay patalsikin sa pwesto.
Ang mga ito, ayon sa Pangulo, ang nasa likod ng black propaganda laban sa kanya at kanyang pamilya.
“Kayong mga human rights (groups). Kayong mga nagba-black propaganda pati ‘yung anak ko si Veronica 14 years old drug addict? May ipalabas ako, you just wait,” ayon kay Pangulong Duterte sa naging talumpati nito sa PDP-LABAN Cagayan Campaign rally sa Cagayan Sports Coliseum, Cagayan Sports Complex Compound, Caritan Centro Tuguegarao City, Cagayan, Martes ng gabi.
Hindi aniya alam ng human rights advocates na may nakikinig habang gumagawa ang mga ito ng kanilang kalokohan.
“Alam mo marami pa ring kaibigan sa ibang bayan. What you did not know is that you were being listened to habang ginagawa ninyo ‘yang kalokohan n’yo. Ilabas ko yan in a few days pinI-perfect ko lang. It was an intelligence report, not from us, but from another country,” ani Duterte.
Matatandaang, may lumabas na mga videos na nagsasangkot sa mga anak ng Pangulo sa droga.
Sa video na may titulong “Ang Totoong Narcolist,” isang ‘Bikoy’ na nagsabing dati siyang miyembro ng drug syndicate ang nagdawit kay presidential son Paolo Duterte sa droga.
Sa pangalawang video ay sinabi naman na ang partner ng Pangulo na si Honeylet Avanceña at ang anak nilang si Veronica o Kitty ay nakikinabang umano sa kickback mula sa kalakalan ng droga at nagdeposito sa mga bangko sa Hong Kong.
Kaya, para sa Malakanyang, ay isang black propaganda ang nasabing mga videos na layong sirain ang Pangulo at kanyang pamilya.
109