KINASTIGO ng grupo ng mga magsasaka si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. dahil imbes bumaba ang presyo ng bigas ay nakapagtala pa ito ng pinakamataas na inflation rate noong nakaraang buwan.
Ayon kay Cathy Estavillo, spokesperson ng Amihan, hindi katanggap-tanggap ang 22.6% inflation rate na naitala sa bigas noong Enero base sa report ng Philippine Statistics Authority (PSA).
“Walang ibang dapat singilin rito kundi ang gobyernong Marcos dahil siya mismo ang tagapag-promote nito, tulad ng pagpapatupad niya ng Rice Liberalization Law,” pahayag ni Estavillo.
Dahil sa RTL aniya ay nawala ang regulatory powers ng gobyerno kaya namayagpag ang malalaking trader, kartel, hoarder, maging ang mga smuggler, na mag-profiteering at idikta ang mga presyo.
Sinabi ni Estabillo na noong isabatas ito noong 2019 dahil sa World Trade Organization – Agreement on Agriculture ay pinangako pa ng mga nagtulak nina kabilang sina dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at Senador Cynthia Villar na bababa ang bigas sa P25 kada kilo.
Ngunit hindi ito natupad at ngayon ay P54 kada kilo ang pinakamababang bigas sa Metro Manila habang P60-68 sa mga probinsya na malayo na sa P25 na ipinangako nina Arroyo at Villar at P20 naman ni Marcos.
“Dapat matuto na tayong lumaya sa pagiging biktima ng panlilinlang o pambubudol. Paulit-ulit na lang ito, tulad ng Rice Liberalization Law, na bababa raw ang presyo ng bigas para sa pakinabangan ng mga konsyumer, pero pinakamataas ngayon ang rice inflation. Noong kampanya, ibababa raw ni Marcos sa P20 kada kilo, lumobo naman,” ayon pa kay Estavillo.
Nangangamba rin ang nasabing grupo na lalong lolobo ang presyo ng bigas sa mga susunod na buwan dahil walang malinaw na programa si Marcos para magkaroon ng sapat na supply ng bigas sa bansa na hindi umaasa sa importasyon.
“Sa aktwal, walang plano si Marcos na abutin ang pagkakasapat-sa-sarili o self-sufficiency sa bigas ng bansa, na pawang bibiktima sa kapwa mga magsasaka at maralitang konsyumer. Ibig sabihin, magtuluy-tuloy ang rice inflation at krisis sa palay at bigas,” babala ni Estavillo.
(BERNARD TAGUINOD)
495 