PAGSUSULONG NG MGA PROGRAMANG NAKABUBUTI SA IBA’T IBANG ASPETO NG LIPUNAN

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

BAGAMA’T maraming grupo at indibidwal ang nagsasabing adbokasiya nilang tulungan ang mga kapos sa buhay at isulong ang karapatan ng mga senior citizen, hindi naman lahat ng ito ay nadarama ng dapat talagang makinabang.

Kaya kawalan talaga sa Kongreso ang pagtatapos ng termino ni Rep. Joey Salceda dahil talaga namang itinulak niya ang mga batas na nagbigay ng maraming benepisyo sa mga Pilipino.

Bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Albay, hindi na mabilang ang mga batas na ipinasa niya para mapadali ang pagnenegosyo sa bansa, suportahan ang investment climate sa Pilipinas, at pati na rin ang pagbibigay ng dagdag na benepisyo para sa mga matatanda, mga may kapansanan at mga solo parent.

Ilan sa mga batas na ipinasa niya na nakatulong sa mga Pilipino ang Universal Access to Quality Tertiary Education (UAQTE) para matulungan ang milyun-milyong estudyante na maabot ang kanilang pangarap na makakuha ng mataas na edukasyon.

Ganon din ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion Act (TRAIN) na nagbigay ng malaking kaginhawaan para sa ordinaryong mga manggagawa na sumasahod lang ng minimum, na hindi na magbayad ng buwis. Mahalaga rin ang naging papel niya sa pagsasabatas ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act para i-angat ang competitiveness ng bansa sa pamamagitan ng pagmoderno ng fiscal incentives.

Bilang pagkilala sa kahalagahan ng siyensa at teknolohiya sa pag-unlad ng bansa, pinagtuunan din ng pansin ni Cong. Salceda ang pagsusulong ng Balik Scientist Act at Philippine Space Agency na nagbigay insentibo sa mga ekspertong Pilipino na itinuon ang kanilang interes sa larangan ng siyensa, teknolohiya at engineering.

Pero sa lahat ng mga batas na ipinasa ni Cong. Salceda, isa sa naging pinakamalapit sa puso ng mga tao ang adbokasiya niya para ipaglaban ang karapatang pang-tao ng mga Pilipinong naghihikahos, pati na ang mga matatanda at may edad na.

Nitong simula ng taon lamang, pinamunuan ni Cong. Salceda ang mahabang diskusyon sa Kongreso para isulong ang dagdag na ayuda para sa mga nakakatanda, kasama na ang 4 na milyong Pilipino na nasa laylayan ng lipunan.

Napakaganda at malaki ang tulong ng mga programa ng mambabatas para mapangalagaan ang pangangailangan ng mga matatanda, lalo na’t marami sa kanila ay retirado na at umaasa na lang sa buwanang pensyon.

Ilan sa mga benepisyo ng batas para sa mga matatanda ang pagtaas ng diskwento ng mga may edad sa mga pangunahing produkto hanggang P500 mula sa dating P260 lamang kada buwan.

Nariyan din ang pinadaling paraan para mag-apply ng senior citizen rate sa mga kooperatibang elektrisidad at distribution utilities katulad ng Meralco.

Kasama rin ang libreng parking sa mga mall at 20 porsyentong diskwento naman sa parking sa ibang mga establisyemento.

Dahil sa pangangailangan, importante rin ang mas malawak na benepisyo ng PhilHealth at pagpapatupad ng ng senior citizen discount kapag kumain sila sa mga restoran na may promo rates.

Simple pero mas convenient din para sa mga senior ang pagtanggal sa booklet na dapat ipakita ng mga senior citizen para makadiskwento sa mga supermarket.

Dahil sa batas para ireporma ang polisiya sa buwis, inilaban rin ni Cong. Salceda ang TRAIN law at CREATE para siguraduhin na ang pangangalaga sa kalusugan ng mga matanda ay kasama sa benepisyo.

Milyun-milyong senior citizen ang nakabibili na ng mga gamot na wala nang kasamang value-added tax (VAT). Maraming gamot para sa diabetes, hypertension, kidney disease, mataas na cholesterol, ang wala nang VAT.

Nitong taon lang, may 22 gamot ang kasama sa batas na ito, na nagbigay-daan para makabili na ang mga nakatatanda at mga mahihirap ng importanteng gamot para humaba ang buhay nila.

Bago pa magretiro si Cong. Salceda sa Kongreso, itinulak n’ya rin ang pagbibigay ng panibagong prangkisa ayon sa batas para sa Meralco, ang nagbibigay ng enerhiya sa malalaking mga establisyemento sa Kalakhang Maynila at karatig na mga lalawigan. Dahil dito, masisiguro na may patuloy na suplay ng kuryente ang bansa para maging lubos pang lumago ang ating ekonomiya.

Sa pagtatapos ng termino ng mambabatas, napaisip ako na kung mananatili pa sana siya sa Kongreso, ilang mga mahahalagang batas pa kaya ang maipapasa at isusulong niya?

Pero sigurado naman na walang makapipigil sa kanya sa pagbibigay ng serbisyo sa publiko. Sa planong pagbabalik bilang gobernador sa Bicol, siguradong marami pa ring mga Pilipino ang makikinabang sa mga programang isusulong ng nakabibilib na mambabatas na ito.

43

Related posts

Leave a Comment