HINDI pa nagsasabi ng totoo si dating Philippine Charity Sweepstake Office (PCSO) general manager Royina Garma sa kaso ni ret. General Wesley Barayuga na biktima ng assassination noong 2020.
Ito ang konklusyon ng ilang mambabatas sa Quad Committee kaya pinayuhan ni Antipolo City Rep. Romeo Acop si Garma na magsabi ng totoo dahil may nakuha na silang impormasyon ukol sa kaso ni Barayuga.
“Sabi nga ni chairman Ace Barbers, nabasa na rin lang ang paa mo, maligo ka na,” ani Acop kay Garma na tanging ang “Davao model” sa war on drugs ang isiniwalat noong Biyernes at patuloy na pinanindigan na sangkot sa ilegal na droga si Barayuga.
Sa rebelasyon ni Garma, nagpahanap si dating pangulong Rodrigo Duterte ng police official na magpapatupad ng “Davao model” sa buong bansa kung saan inirekomenda nito ang kanyang upper class sa Philippine National Police Academy (PNPA) na si ret. Col. Edilberto Leonardo.
Itinuro rin nito si Senador Christopher “Bong” Go na siyang nagbibigay ng reward money kay Leonardo para bayaran ang mga pulis na nakakapatay ng drug suspek kung saan hanggang P1 million ang pabuya, subalit tikom ang bibig nito sa totoong kaso ni Barayuga.
“Did former president Rodrigo Duterte order the hit on retired general Wesley Barayuga?,” ang tanong naman na gusto ni House committee on human rights chairman Rep. Bienvenido Abante Jr., na sagutin ni Garma.
Samantala, isasama na sa imbestigasyon ng Quadcom ang pagpatay kay dating Tanauan, Batangas Mayor Antonio Halili matapos ituro at isiwalat ni Garma na isang Police Major Albotra ang nagmalaki na sila ang tumira sa alkalde noong 2018.
Si Halili ay kasama sa mga politikong pinangalanan ni Duterte na sangkot sa ilegal na droga ay pinatay ng isang sniper sa flag raising ceremony sa harap ng munisipyo noong 2018.
Dahil dito, ipinahanap na ni Fernandez kay Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief Gen. Nicolas Torre si Albotra para paharapin sa susunod na pagdinig ng Quadcom. (BERNARD TAGUINOD)
301
