MARIING kinondena ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang ginawa ng Chinese Maritime Militia na sadyang pagbangga nito sa barko ng BFAR sa bahagi ng Pag-asa Island .
Ayon sa BFAR, ang BRP Datu Cabaylo at BRP Datu Sanday ay nagsasagawa ng routine maritime patrol na nasa five nautical miles ang layo mula sa Pag-asa Island, nang magsagawa ng “dangerous maneuvers” ang barko ng China sa paligid ng Datu Cabaylo at sinubukan itong harangin.
Hanggang makadikit ang barko ng China sa gilid ng Datu Cabaylo at binangga sa tagiliran ang barko ng Pilipinas.
“A Chinese maritime militia vessel deliberately sideswiped and collided with a Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) vessel patrolling the Sandy Cays of Pag-asa Island,” ayon sa report.
Sinasabing nayupi sa tagiliran ang Datu Cabaylo vessel ng BFAR.
“At around 0745H, as BRP Datu Cabaylo was slowly approaching Pag-asa Sandy Cay 4, Chinese Maritime Militia vessel with bow number 00108, deliberately sideswiped the BRP Datu Cabaylo at the starboard bow, or the front right portion of the Philippine vessel,” ayon sa inilabas na pahayag ng ahensya.
Ayon sa BFAR, napanatili nila ang kanilang posisyon at natapos ang kanilang maritime patrol mission sa bisinidad ng Pag-asa Island, nakabalik sa kanilang himpilan at ligtas na nakadaong sa Pag-asa Sheltered Port.
Matatandaan, noong nakaraang linggo ay binomba naman ng water cannon ang dalawang barko ng BFAR kasabay ng resupply mission sa pitong mother boats at 16 maliliit na fishing boats ng Pilipinas sa Bajo de Masinloc. (JESSE KABEL RUIZ)
