BANGAYANG PULITIKA SA MARIKINA LUMALALA?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

LALO pang umiinit ang bangayan ng mga politiko sa Marikina City sa pagitan ng kampo nina Mayor Marcy Teodoro, Sen. Koko Pimentel at 2nd District Rep. Stella Quimbo.

Bakit sinabi natin ‘yan? Nitong nakaraan, nakatanggap tayo ng impormasyon na ang nagsampa raw ng kaso sa Commission on Election (Comelec) laban kay Mayor Teodoro ay tao ni Rep. Quimbo.

Sa record ng Comelec, si Leighrich James Estanislao ang unang nagsampa ng kaso laban kay Teodoro sa Comelec, sinundan nina Sen. Koko Pimentel, Katrina Marco, Angelu Estanislao at Ma. Luisa de Guzman.

Natuklasan na si Estanislao ay aktibong nagtatrabaho sa kampo ng mga Quimbo. Siya ang tumatayong director ng mga video sa programa ng mga Quimbo na inilalabas ng mga vlogger.

Kabilang sa mga ito ang kaugnay sa QCivic Center at isa sa mga nagpapatakbo ng QHub. Alam na, Pulitikang Pinoy nga naman!

Kamakailan ay naging mainit ang isyu kay Rep. Quimbo kaugnay sa mamahaling bag, relo at iba pang kagamitan nito simula nang maging kongresista ito.

Si Quimbo ay dati umanong guro, bago siya naging kongresista.

Balik tayo sa usapin ng kaso ni Teodoro, sinabi ni Comelec chairperson George Garcia na maaaring baliktarin ng poll body ang nauna nitong desisyon at payagan si Teodoro na tumakbo bilang kongresista sa unang distrito ng lungsod kung makapagpiprisenta siya ng bagong argumento o ebidensya sa kanyang motion for reconsideration.

Ayon pa sa hepe ng Comelec, may mga pagkakataon sa nakaraang mga kaso na nabaliktad ang desisyon ng poll body base sa mga argumento o bagong ebidensiya na inilatag sa apela.

Narito pa ang pahayag ni Garcia, “Marami rin namang pagkakataon na pagkatapos makapagprisenta ng mga argumento sa motion for reconsideration ay pwedeng magkaroon ng reversal ang division.”

“Ibig sabihin, puwede magbago naman ang isip ng mga nasa division. Hindi naman po siya porke’t bumoto, maaaring may hindi lang naliwanagan o maaaring may ebidensyang hindi lang naipresinta, ay pupuwede pong magkaroon ng pagbabago,” dagdag pa ng chairman.

Binanggit pa ni Garcia na ang pasya ng Comelec 1st Division na i-disqualify si Teodoro bilang kandidato ay hindi pa pinal at hindi pa pwedeng ipatupad, dahil ito’y daraan pa sa motion for reconsideration. ‘Yun lang, may pag-asa pa si Teodoro, kahit tinamaan na siya ay lumalaban pa rin.

Pahayag pa ni Garcia, “Kapag nag-file, hindi pwedeng ipatupad ang desisyon ng Komisyon. Therefore, kung iyan po’y aabutin sa printing ng balota, makakasama pa ang pangalan ni Mayor Marcy doon sa balota”.

May mga nagsasabi na ang panggigipit kay Teodoro ay pakana umano ng kanyang mga kalaban sa pulitika sa Marikina.

Nauna nang kinuwestiyon ang pagtakbo ni Teodoro bilang kinatawan ng Unang Distrito ng Marikina matapos ideklara nito na residente siya sa nasabing lugar.

Napatunayan ng Comelec na hindi na umano residente ng Unang Distrito ng Marikina at sa Ikalawang Distrito na siya (Teodoro) nakatira ngayon kaya ito ang naging basehan nina Commissioner Ernesto Ferdinand Maceda, Commissioner Aimee Ferolino, at Commissioner Socorro Inting sa kanilang deklarasyong diskwalipikasyon laban kay Teodoro noong Disyembre 11, 2024.

Abangan na lang natin ang pinal na desisyon ng Comelec kung magiging paborable ba o hindi ito kay Teodoro.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-text sa cell# 0977-751-1840.

243

Related posts

Leave a Comment