PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA
OPO, dear readers, muling tinambakan ni dating Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagosa si Mayora Honey Lacuna base sa resulta ng latest survey ng OCTA noong Enero 06, 2025.
Umukit si Yorme ng 74% at ang pumapangalawa na si Sam Versoza ay nagrehistro lamang ng 15%.
E, si Mayora, nakaiiyak naman ito, kasi 9% lang ang nakuha niya, e siya ang nasa city hall at hawak niya ang kabang-yaman na obvious ay nagagamit niya sa pagpapabango ng kanyang pangalan sa mamamayan at botante ng Maynila.
At kahit pagsamahin pa ang 2% ng iba pang kandidato, kasama ang kay Verzosa at kay Lacuna, hindi makasasapat para matabunan ang lamang ni Isko.
Ay, 26% lang iyon kontra sa 74% ni Yorme Isko, kaya ang advise ko, itaas na ang mga kamay, at ihagis na ang puting tuwalya at sabihin nyo: “We surrender. Suko na kami!”
Walang duda naman, landslide victory ito kay Yorme sa May 2025 at wala ni isang political expert ang magsasabi na may pag-asa pa si Mayora na manalo versus Yorme Isko.
Base sa pagtantiya, ang 70 o 80% ng may gusto kay Isko ay nasa 600K hanggang 800K na boto!
Humihiyaw ang sinabi noon ni CJ Hirro sa naipakitang dedikasyon sa trabaho bilang Ama noon ng Maynila, ni Yorme.
Sino ang makalilimot sa nasaksihang malasakit ni Yorme sa Manilenyo, na sinabi niya noon:
“Kapag may utang na loob ka kasi, ako kasi tinatanaw ko ‘yon panghabang buhay, ‘yung bigat na pinagkakautangan mo ng utang na loob, isang pamilya o ‘yung isang mamamayan nagbigay sa ‘yo ng pagkakataon. Mahal ko ang mga taga Maynila, nung pandemic, pagsara hindi ako umuwi. Three months ako nag-stay sa city hall, hindi ko nakita ‘yung pamilya ko. That’s how I loved Manila… the people of Manila to the point that it came at the expense of my family.”
May maipakikita bang ganitong rekord ang nagnanais na talunin si Isko Moreno?
May resibo ba silang maipakikita na ang sariling pera sa alkansiya ay ginagamit o nagamit nila para sa pangkalahatang kapakanan ng mamamayang Manilenyo?
Mula sa sariling lukbutan, mahigit sa P100-milyon ang idinonasyon ni Isko mula sa tinanggap na mga endorsement mula sa mga nagtiwalang kompanya.
Hindi biro ang P100-M na sana ay ginastos ni Yorme para sa sarili, pero ginamit iyon, ibinigay sa mga sinalanta ng bagyo, sa mga nasunugan at mga biktima ng sakuna at sakit, na ngayon ay magpapatunay sa mala-gintong pagmamahal at malasakit ng batang basurero noon, ang batang estibador noon, ang batang driver ng traysikad na nagsumikap, nagpatulo ng dugo at pawis, upang maiahon ang sarili sa lugmok na kahirapan.
Nakita ng Manilenyo at ng buong mamamayang Pilipino kung paano tinulungan ni Isko ang katulad niyang mahirap upang makaangat sa buhay at makapagmalaki na sabihin: “Dahil kay Yorme, nakatayo kami, nakabangon, at ngayon, malakas at matatag ang kabuhayan namin!”
Kaya patuloy ang sigaw, “Babalik na uli ang Ama ng Maynila at muli, matutupad ang pangakong pag-unlad.”
Manila will be great again.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.
214
