(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
PARA kay dating presidential legal counsel Atty. Salvador Panelo, maaaring nagpapahiwatig ng pakikipagsabwatan sa kontrobersyal na blankong bicam report ang pananahimik ng liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Sa gitna ng kontrobersya ay maraming pumupuna sa hindi pagsasalita ni Speaker Martin Romualdez. Gayundin ng dating chairman ng House appropriations committee na si Zaldy Co.
“Ang hindi nila pagsasalita, ibig sabihin ay complicit sila, kasama sila sa sabwatan ng paglalagay ng blanko.. nilagyan nila ng figures bago ipinadala kay President Marcos,” ani Panelo sa kanyang programa sa SMNI.
Nauna namang inamin ni acting House committee on appropriations chairman Stella Quimbo na may mga blangko sa 2025 bicam report.
“So, notwithstanding any typographical errors or any adjustments that are needed as a result of amendments, the technical staff of both the House and the Senate are authorized to make all of these necessary corrections,” ani Quimbo.
Kinontra naman ito ni dating Budget Secretary Wendel Avisado.
”Ang sinabi lang dun eh yung mga typographical errors and those that would require simple correction but certainly not to fill in the blanks specifically for budget appropriation or allocation—kasi wala nga dun eh,” ani Avisado.
”Kung walang amount sa bicameral conference committee report in terms of appropriating certain figures or amounts for specific departments nabanggit ko nga kanina yung DA, NIA at saka PCA, paano ngayon nagkaroon ng amount yan at na-fill up yung blank or blanks doon sa enrolled bill? Who did it? And who ordered that such be done?’ tanong pa ni Avisado.
Kamakalawa ay dinala na sa Korte Suprema ang petisyon na humihiling na ipawalang-bisa ang 2025 national budget na tinawag na ilegal, labag sa Konstitusyon, at may bahid ng katiwalian.
Kabilang sa mga naghain ng petisyon sina Cong. Isidro Ungab, dating executive secretary Atty. Vic D. Rodriguez, at iba pa.
Ani Rodriguez, ang mga senador at kongresistang hindi tumutol sa pagpasa ng kontrobersyal na bicameral report ay naging kasabwat sa umano’y pinakamalaking “money heist” sa kasaysayan ng bansa.
Nauna nang iginiit ni Rodriguez na dapat habulin at papanagutin ang mga nasa likod ng blankong bicameral conference committee report sa 2025 national budget.
26