Ikinadismaya ni Former ES Rodriguez sa Marcos admin KORUPSYON, ‘KATAKAWAN’ NG PARTIDO FEDERAL

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

TAHASANG sinabi ni dating executive secretary Atty. Vic Rodriguez na ang talamak na korupsyon at panghihingi ng mga posisyon sa gobyerno ng mga kasama niya sa Partido Federal ng Pilipinas ang mga pangunahing dahilan ng kanyang pag-alis sa poder ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa “Tanong ng Bayan: The GMA Senatorial Face-Off 2025,” sinabi ni Rodriguez na hindi niya masikmura ang korupsyon kaya siya nagpasyang umalis sa Malacañang.

“Hindi ko masikmura ang korupsyon kung kaya’t ako ay umalis ng Malacañang. Ako ay binigyan pa ng isang posisyon—ang presidential chief of staff. Subalit hindi ko na gusto ‘yong direksyon na kanilang tinatahak. Kaya sabi ko, ‘Ayaw ko na. Babalik na lang ako sa pribado,” aniya nang mausisa kung bakit iniwan niya si Marcos.

Dugtong pa niya: “pangalawa, doon sa Partido Federal [ng Pilipinas]. Kaya nila ako tinanggal sapagkat sa sama ng loob nila. Gusto nila, hinihingi nila sa akin, noong ako ay executive secretary na gawin ko silang chairman ng Comelec, gawin ko silang chairman ng PAGCOR, gawin ko silang chairman ng PCSO, at gawin ko silang chairman ng Civil Service Commission. Hindi sila kwalipikado.”

Dagdag pa ni Rodriguez, “Alam ko, ang nais lang nila ay magnakaw kaya hinindian ko ‘yan. Kaya sila nagalit sa akin.”

Setyembre 2022 nang ianunsiyo ni Rodriguez ang pagbibitiw niya bilang executive secretary ni Marcos, Jr.

Si Rodriguez ay kabilang sa mga senatorial aspirant ngayong May 2025 midterm elections.

1

Related posts

Leave a Comment